SSS RACE Campaign, nakipag-ugnayan sa mga employers sa bayan ng Padre Garcia

BATANGAS CITY (PIA)—Nakipag-ugnayan ang mga opisyal at kawani ng Social Security System (SSS) Lipa Branch sa mga employers sa bayan ng Padre Garcia kaugnay ng Kampanyang Run After Contribution Evaders (RACE) nitong Biyernes, Setyembre 29.

Sa tulong ng Padre Garcia Business Permits and Licensing Office(BPLO), binisita ng SSS ang may siyam na  business establishments dito kabilang ang isang memorial graden, construction supplies, printing shop,pharmacy, bakeshop,  car wash, brake bonding supply at egg farm upang paalalahanan ang mga ito kaugnay ng kanilang obligasyon sa SSS.

Ayon kay Joseph Pedley Britannico, SSS Lipa Branch Head, palagiang nagbibigay ng paalala ang kanilang tanggapan sa lahat ng employer upang huwag kalimutan ang kanilang obligasyon na magbayad ng kanilang membership contribution para sa kanilang mga empleyado.

“Bawat employer ay may obligasyon sa aming tanggapan at sa kanilang mga empleyado, bagama’t patuloy ang pakikipag-ugnayan ng aming mga accounts officer sa lahat ng establisimyentong kanilang nasasakupan, mayroong mga employers na nabibigyan ng notice to pay dahilan sa iba’t ibang kadahilanan bunsod ng kanilang nararanasan lalo na at nagdaan ang ilang taon ng pandemya at naging struggle sa mga negosyong ito ang paghina ng kanilang kita,” ani Britannico.

Aniya pa, may 15 araw na ibinibigay sa mga employers na nabigyan ng sulat paalala na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang i-settle ang kanilang obligasyon.

Ayon naman kay Atty. Marc Villanueva, head ng Legal Division ng South Luzon 2 Division, kinakailangang makipag-ugnayan ang mga employers upang maiwasan ang mas malaking problema lalo na kung ang mga ito ay masampahan ng kaso dahilan sa pagpapawalang-bahala ng mga paalala sa kanila kaugnay ng kanilang obligasyon alinsunod sa batas. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)

In other News
Skip to content