PEREZ, Quezon (PIA) — Mas malapit na serbisyong medikal ang aasahan ng mga residente sa Perez, Quezon sa nakatakdang pagtatayo ng isang Super Health Center.
Nitong ika-17 ng Agosto ay pinangunahan nina Perez Mayor Charizze Marie Escalona at Quezon Fourth District Representative Atorni Mike Tan ang groundbreaking ceremony, hudyat ng pagsisimula ng konstruksiyon ng nasabing pasilidad.
Ang nasabing proyekto ay bunga ng pakikipagtulungan ni Gov. Helen Tan at Cong. Tan sa Department of Health (DOH).
Itatayo ang Super Health Center sa Barangay Pinagtubigan Weste na may sukat na 28 meters by 15 meters kung saan mayroon itong birthing room, X-ray, minor operating room, laboratory, pharmacy, ward at iba pa.
Inaasahang palalawigin nito ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan kung saan ay hindi na kinakailangang tumawid ng isla ng mamamayan rito para maabot ang basic health services.
Bukod sa Super Health Center, karagdagang silid-aralan naman ang naghihintay para sa mahigit 500 mag-aaral ng Perez National High School sa pagsisimula ng konstruksiyon ng dalawang palapag na gusali na mayroong 10 silid-aralan.
Samantala, pinasinayaan din ang covered court sa Barangay Montaña Quezon, Quezon kasama sina Board Member Harold Butardo at Mayor Juan Escolano. Ito ay may mataas na bakod, comfort room at stage na kayang mag accomodate ng mahigit 500 katao. (Ruel Orinday-PIA Quezon)