LUNGSOD NG MEYCAUAYAN (PIA) — Pinasinayaan na ang Super Health Center sa barangay Camalig sa lungsod ng Meycauayan.
Ang P11.5 milyon imprastraktura ay isang palapag na gusali na may lapad na 420 metro kwadardo.
Ayon kay Senate Committee on Health and Demography Chairperson Bong Go, ang Super Health Center ay medium-sized polyclinic na mas malaki sa rural health center pero di singlaki ng ospital na nag-aalok ng mga serbisyo tulad ng medical emergency, birthing, dental, X-ray at laboratory.
Sinabi ni Mayor Henry Villarica na malaking bagay ang pagkakaroon ng naturang pasilidad upang hindi na laging sa mga ospital pa pupunta at magsiksikan sakaling may kailanganin na pangunahing serbisyong medikal.
Bukod sa Camalig, direktang makikinabang din dito ang mga pasyente sa kalapit na mga barangay ng Pajo at Bahay Pari.
Kaugnay nito, naitayo na rin ang mga istraktura ng iba pang mga Super Health Center na pinondohan sa Pambansang Badyet ng 2022 na nasa San Miguel, Bulakan, Guiguinto, Balagtas, Pandi at sa San Jose Del Monte.
Pinondohan naman sa Pambansang Badyet ng 2023 ang pagpapatayo ng mga Super Health Center sa San Ildefonso, San Rafael, Baliwag, Plaridel, Angat, Marilao, Obando at Paombong na target mabuksan sa susunod na taon.
Tinatayang nasa P11 hanggang 15 milyon ang halaga ng bawat isang yunit. (CLJD-PIA 3)
Pinangunahan nina Senate Committee on Health Chairperson Bong Go (kaliwa) at Mayor Henry Villarica (kanan) ang pagpapasinaya sa Super Health Center sa barangay Camalig, lungsod ng Meycauayan. (Office of Senator Bong Go)