SARIAYA, Quezon (PIA) — Mas malapit na serbisyong pangkalusugan at medikal ang aasahan ng mga residente sa bayan ng Sariaya sa pagtatayo ng Super Rural Health Center sa kanilang komunidad.
Pinangunahan ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang pagbisita at inspeksyon ng itatayong Super Health Center noong Mayo 28.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Senador na sa tuwing bumibisita siya sa mga malalayong komunidad ay napapansin niya ang mahirap na access ng mga ito sa mga ospital.
Kaya naman, patuloy aniya ang pagsusulong niya na makapagtayo ng mga Super Health Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nagpaabot din si Go ng pasasalamat sa mga kapwa nito mambabatas, sa mga lokal na opisyal, at sa Department of Health (DOH) para sa suporta sa kanyang hangarin bilang Chair ng Senate Committee on Health na mapalakas pa ang healthcare system sa bansa.
Ayon pa sa Senador, ang pagtatayo ng super health center ay malaking tulong sa mga mahihirap na mamamayan ng Sariaya at mga karatig bayan nito.
“Kapag operational na ang Super Rural Health Center sa Sariaya ay mas mailalapit na ang serbisyong medikal ng pamahalaan sa mga lokal na residente sa bayan ng Sariaya,” ani Go.
Kaugnay nito, sinuportahan din ng mambabatas ang pagkonkreto ng daan sa loob ng compound ng bagong Local Government Complex ng Sariaya. (RMO, PIA Quezon)