PAGSANJAN, Laguna (PIA) — Napagkasunduan ng Department of Trade and Industry (DTI) Laguna at ng pamahalaang bayan ng Pagsanjan ang pagpapatupad ng mga programa at inisyatibo para sa ikauunlad ng mga Micro, Small, and Medium Enterprises o MSMEs.
Sa idinaos na pulong nitong Pebrero 6, ibinahagi ni Mayor Cesar Areza kay DTI Laguna OIC Provincial Director Christian Ted Tungohan ang ilan sa kanyang mga hangarin para sa pagpapalago ng ekonomiya ng Pagsanjan at kung paano makakatulong ang kagawaran upang maisakatuparan ito.
Kabilang rito ang pagre-rebisa sa Investment Code ng Pagsanjan upang makaakit ng karagdagang mamumuhunang negosyante sa bayan.
Inaasahang lalahukan naman ng mga MSMEs ang pagdaraos ng Trade Fair sa Marso kasabay ng Bangkero Festival, at ang selebrasyon ng MSME Week sa Hulyo.
Ibinahagi rin ng DTI Laguna ang ilan sa mga programang iniaalok nito para sa mga MSMEs gaya ng paghikayat sa mga negosyanteng mag-sumite ng Barangay Micro Business Enterprise (BMBE) Certificate of Authority upang makatanggap sila ng mga kaukulang benepisyo kabilang na ang exemption sa pagbabayad ng income tax.
Nakatakda namang tumulong ang ahensya sa Pagsanjan Persons With Disabilities Affairs Office upang maitayo ang isang Pasalubong Center sa loob ng CLA Mall Pagsanjan.
Upang epektibong maisakatuparan ang koordinasyon ng DTI Laguna at ng pamahalaang bayan para sa mga MSMEs, nakatakdang mag-donate ng 500 sq. m. na lupa ang Pagsanjan sa ahensya upang makapagpatayo sila ng tanggapan sa bahagi ng Brgy. Biñan.
Ayon sa DTI Laguna, patuloy silang tutulong sa mga negosyante sa bayan para sa patuloy na paglago ng kanilang kabuhayan. (CH/PIA-Laguna; may ulat mula DTI Laguna)