SURE assistance program ng DA at ACPC, aagapay sa mga apektadong magsasaka at mangingisda

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Nakipagpulong kamakailan sina Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) MIMAROPA Regional Director Emmanuel H. Asis kasama si Regional Fisherfolk Director Rogelio Manlavi sa mga kinatawan ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC).

Layunin ng pagpupulong na matalakay ang Survival and Recovery (SURE) Assistance Program upang makatulong sa apektado ng oil spill sa lalawigan ng Oriental Mindoro.

Kaugnay nito, naglaan ang Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng ACPC ng P60 milyong Credit Fund para sa mga naturang indbidwal.

Napapailalim sa SURE Assistance Program ang naturang ayuda, kung saan tatanggap ang mga rehistradong fisherfolks sa BFAR Fisherfolk Registration at DA Registry System for Basic Sectors in Agriculture.

Sentro ng pagtulong ng programa na umagapay sa mga apektadong magsasaka at mangingisda dulot ng mga hindi inaasahang mga pangyayari.

Samantala, upang maging kwalipikado sa naturang programa, kinakailangan na naideklara ang nasasakupan nilang lugar na nasa “State of Calamity.”

Maaaring umutang ang mga apektadong indibidwal na maaaring umabot ng hanggang P20,000.00 bilang tulong sa kanilang kabuhayan.

Ito ay maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon na walang kaukulang interes. (JJGS/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content