TAGKAWAYAN, Quezon (PIA) — Binigyan ng pagkilala ang bayan ng Tagkawayan, Quezon sa ginanap na Regional Stakeholders Forum and Awarding of Grants ng Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP) noong Hunyo 28, sa Dusit Thani Manila, Makati City.
Ayon sa Tagkawayan Public Information Office, ang Tagkawayan ay isa sa 24 na bayan sa Quezon na tumanggap ng Performance-Based Grant mula sa PMNP.
Tatanggap ang bayan ng kabuuang Php2,829.491.30 na pondo mula sa World Bank para sa unang tranche ng programa sa pagsugpo sa malnutrisyon.
Tinanggap ni Mayor Carlo Eleazar ang pagkilala, kasama sina Dr. Kevin Art Matundan, Municipal Health Officer; G. Ivan Lorenz Go, Municipal Nutrition Action Officer; Maria Judith Batalla, Municipal Accountant; at Rhea Rodriguez, Municipal Social Welfare and Development Officer.
Ang bayan din ng Tagkawayan ang pinakaunang nakapagsumite ng LNAP na aprubado ng Municipal Nutrition Committee at Sangguniang Bayan noong ika-10 ng Setyembre, 2023.
Bukod sa epektibong nutrition program, nagkamit din ang bayan ng parangal para sa maagang pagpapasa ng Financial Statement sa Commision on Audit nitong Enero. (RO/PIA-Quezon)