Task Force Kalsada, tutulong sa pagsasa-ayos ng trapiko sa Puerto Princesa
LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Tutulong sa pagsasaayos ng trapiko sa Lungsod ng Puerto Princesa ang bagong buo na Task Force Kalsada.
Ito ay isang programa sa ilalim ng City Traffic Management Office (CTMO) sa pamumuno ni CTMO Chief at siya ring City Information Officer Richard Ligad.
Maliban sa mga nakakalat na traffic enforcers sa mga pangunahing kalsada sa lungsod para magmando ng trapiko, mayroon na ring mga naka-motorsiklo na magmo-monitor sa mga naiipit sa trapiko, at ito ang magiging gawain ng ‘Task Force Kalsada’.
Nitong Hunyo 6, 2023 ay dumating na ang sampung motorsiklo na gagamitin ng myembro ng task force sa paglilibot upang alamin ang mga pangunahing kalsada sa lungsod na apektado ng trapiko.
Tungkulin din ng task force na sitahin at tiketan ang mga pasaway na motorista na lumalabag sa mga batas trapiko para matuto ang mga ito ng tamang disiplina sa pagmomotorsiklo o pagmamaneho ng sasakyan.
Ayon kay Ligad, ang task force din ang manghuhuli o hahabol sa mga tatakas na motoristang may paglabag sa trapiko. Mas madali aniyang gamitin ang motorsiklo sa paghabol ng mga pasaway na motorista kaysa sa mga sasakyang may apat na gulong.
Sasailalim naman muna sa ilang araw na seminar at pagsasanay sa Philippne National Police (PNP)-Highway Patrol Group at City PNP-Traffic Division ang mapipiling traffic enforcers sa binuong task force.
Sinabi rin ni Ligad, na na-order na ang materyales sa pagsasaayos naman ng mga traffic lights sa mga pangunahaing kalsada na hindi na gumagana, partikular na ang nasa Junction 1. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)
Ang mga motorsiklo na gagamitin ng bagong tatag na ‘Task Force Kalsada’ ng Pamahalaang Panglungsod ng Puerto Princesa upang tumulong sa pagsasaayos ng trapiko sa lungsod. (Mga larawan mula sa CIO-Puerto Princesa)