BATANGAS CITY (PIA) — Nakatakdang bumisita ang Department of Labor and Employment (DOLE) Batangas Provincial Office sa mga micro business establishments sa lungsod ng Batangas upang isulong at maipalaganap ang “labor at workplace standards.”
Layon ng pagbisita na bahagi ng kanilang Technical Advisory Visit (TAV) program na makapagbigay ng sapat na kaalaman sa mga mamumuhunan kaugnay ng kanilang karapatan, responsibilidad at mga pamantayan sa paggawa upang mas maipatupad nila at magamit ang kanilang karapatan sa pagnenegosyo.
Ayon kay Mirasol Celemin, Senior Labor Employment Officer, ang TAV ay programa ng DOLE na dating ipinatupad noong panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino at muling ipatutupad sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos.
Batay sa tala ng DOLE, nasa 80-90% ng negosyo sa bansa ay mga micro business establishments o mga negosyong may isa hanggang siyam na tauhan lamang kung kayat nararapat na maipabatid sa mga ito ang mga batas tungkol sa labor and employment.
“Karamihan sa sektor na ito matatagpuan ang mga kawaning nakakaranas ng hindi sapat na benepisyo at tamang suweldo gayundin ang kakulangan sa kaligtasan sa kanilang mga workplace kung kaya’t mahalaga na maipaalam sa mga business owners ang mga kaalamang makakatulong sa kanila at sa kanilang mga tauhan,” ani Celemin.
Nakatakdang isagawa sa darating na Hulyo hanggang Setyembre ang profiling ng 1,300 micro business establishment owners sa lungsod.
Kaugnay nito, humiling ang DOLE sa pamahalaang lungsod na matulungan sila sa pagtugon sa mga problemang kinakaharap ng mga mamumuhunan at kawani nito upang madala sa tamang ahensya na makakatulong upang masolusyunan ito alinsabay ng panawagan din sa mga ito na makisali sa naturang programa. (BPDC, PIA BATANGAS)