TEENDIG project, inilunsad ng DOH sa Batangas City

BATANGAS CITY (PIA) — Matagumpay na inilunsad ng Department of Health – Center for Health Development (DOH-CHD) Calabarzon ang TEENDIG Kabataan! Kalusugan ay Pahalagahan adolescent-friendly facility sa Batangas City Integrated High School nitong Miyerkules, Hulyo 5.

Ito na ang ikalawang pasilidad na inilunsad ng DOH-CHD at Department of Education (DepEd) Region 4A sa rehiyon upang mapalakas pa ang kanilang kampanya ukol sa pagtataguyod ng sex education at mental health awareness sa mga kabataan.

Layon ng TEENDIG project na unang inilunsad sa Antipolo City National High School na magkaloob ng mga serbisyong pangkalusugan sa mga mag-aaral na makakatulong rin sa kanilang psychosocial at mental well-being.

Ang TEENDIG project ay may kapasidad na magbigay ng iba’t ibang serbisyo tulad ng general health assessment history, physical exam, healthy lifestyle counselling, substance abuse counselling, cancer prevention counselling, psychosocial risk assessment and management, at reproductive health assessment and counselling.

Ayon sa DOH-CHD 4A, bibigyang pansin rin ng pasilidad ang mga isyung pangkalusugan na kinakaharap ng mga kabataan sa kasalukuyan kabilang ang teenage pregnancy, human immunodeficiency virus (HIV), mental health issues at iba pa.

Ayon kay DOH-CHD 4A Regional Director Ariel I. Valencia, isa ang TEENDIG project sa nakikita nilang paraan upang tugunan ang ilang isyung pangkalusugan na kinakaharap ng mga kabataan sa ngayon.

Batay sa datos ng DOH, tumaas sa 9.38% ang kaso ng teenage pregnancy noong 2022 kumpara sa 8.64% na naitala noong 2020 para sa mga kabataang edad 10 hanggang 19. Sa Calabarzon, aabot sa 4,261 kaso ng maagang pagbubuntis ang naitala kung saan nanguna ang Rizal 1,187 sinundan ng Batangas 935; Laguna 829; Cavite 758 at Quezon 552.

Nasa 1,454 naman ang naitalang bagong kaso ng HIV ngayong 2023 kung saan karamihan sa mga naitalang kaso ay may kaugnayan sa ‘MSM o men who have sex with men.’

Ayon kay Valencia, gagamit ng peer-to-peer approach ang proyekto upang palakasin ang mga kabataan at gawin silang health advocates.

“In this project, we will adopt a peer-to-peer approach. We will empower the students by engaging them to be the health advocates themselves. Bridging the gap to certain health issues that the youth are facing today,” pahayag ni Valencia.

Kabilang sa mga nagbigay ng suporta at dumalo sa pglulunsad ng pasilidad sina Batangas 5th District Representative Honorable Mario Vittorio Mariño, Mayor Beverly Rose, Bb. Pilipinas Santolan, Pasig Representative Ar. Xena Ramos, Social Media Personality Queenay Mercado at iba pang mga opisyal mula sa mga bayan at lungsod sa Batangas.

Nagkaloob din ang DOH ng libreng HIV testing sa mg amag-aaral na 15 taon pataas at namahagi din ng leaflets ukol sa teenage pregnancy.

Nakatakda namang ilunsad sa iba pang bayan at lungsod sa Calabarzon ang TEENDIG project. (BPDC, PIA BATANGAS)

In other News
Skip to content