ODIONGAN, Romblon (PIA) — Tumanggap ngayong araw ng isang teknolohiyang magiging tulong sa pagproseso ng mga biodegradable na basura ang Anahao Farmers Association sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Ang nasabing teknolohiya ay ipinagkaloob ng Department of Agriculture – Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM), na naglalayong suportahan ang tamang pagtatapon ng mga asura at magkaroon ng home-based na produksyon ng organic fertilizer.
Ang turn-over ceremony ng shredder machine ay pinangunahan ni Engr. Dina V. Escote ng DA-BSWM, katuwang ang Provincial Agriculturist at Municipal Agriculturist ng Odiongan.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang Anahao Farmers Association sa DA-BSWM sa pagkakaloob ng teknolohiyang ito.
Ayon kay Eduardo Diokno Jr., Presidente ng Anahao Farmers Association, lubos nilang papamahalagahan ang suporta na ibinibigay ng pamahalaan sa kanila upang mas mapabuti ang kanilang sistema ng pagsasaka at pangangalaga ng kalikasan. (PJF/PIA MIMAROPA-Romblon)
Sa pamamagitan ng shredder machine, magiging mas mabilis at ligtas ang proseso ng paghahati ng biodegradable na basura sa mas maliliit na bahagi. Ang resultang basura ay magagamit na sa paggawa ng organic fertilizer, na isa sa mga pangunahing produkto ng Anahao Farmers Association. (Photo Courtesy: Odiongan Municipal Agriculture Office)