TESDA, nagaalok ng 60 online learning courses

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Humigit kumulang 60 kurso ang makukuha sa online program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Walang kailangang bayaran  gayundin ay maaaring kumuha ng kahit ilang kurso ang mga nagnanais mag-aral ng bokasyonal sa ilalim nito.

Ayon kay TESDA Nueva Ecija Provincial Director Elpidio Mamaril Jr., makakatanggap ng Certificate of Completion ang mag-aaral pagkatapos sagutan ang assessment na makikita kasama ang mga modyul ng napiling kurso.

Ang naturang assessment ay ang pagsusuri sa mag-aaral bago magawaran ng National Certificate o Certificate of Competency.

Paliwanag ni Mamaril, maaaring mag-enroll ang mga interesadong aplikante sa https://e-tesda.gov.ph/. Kinakailangan lamang gumawa ng account, at i-click ang link na matatanggap sa e-mail na magsisilbing access sa mga kurso ng programa.

Nagsilbing panauhin si Mamaril sa kamakailang episode ng Leaders In Focus ng Philippine Information Agency na layuning maipalaganap ang mga isinusulong na programa ng gobyerno na makatutulong sa mga mamamayan. (CLJD/MAECR-PIA 3)

Inilahad ni Technical Education and Skills Development Authority Nueva Ecija Provincial Director Elpidio Mamaril Jr. na humigit kumulang 60 kurso ang makukuha sa online program ng ahensya. (Maria Asumpta Estefanie C. Reyes/PIA 3)

In other News
Skip to content