TESDA, naghandog ng libreng pag-aaral na pangkabuhayan para sa mga may kapansanan

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — “Bukas kamay ang tanggapan ng TESDA sa pagbibigay ng libreng pag-aaral na pangkabuhayan para sa sektor ng mga may kapansanan upang magkaroon kayo ng pagkakakitaan sa inyong pang araw-araw na pamumuhay.”

Ito ang sinabi ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Community Base Training Program Officer at Focal Person, George Hernandez sa isinagawang pagpupulong ng Person with Disabilities Calapan City Federation (PWDCCFED) at Persons with Disability Affairs Office (PDAO) na isinagawa sa Sangguniang Panlungsod Session Hall ngayong araw.

Ayon kay Hernandez, ang mga kwalipikado na sumailalim sa mga pagsasanay ay hindi kailangan ang educational background, dapat 18 taon gulang pataas, nagtapos sa sekondarya at Pilipino. Maaring din makamtam ang mga benepisyo na depende sa kukuhaning kurso ay pagkakaroon ng P160-350 daily allowance, libreng uniporme, internet allowance at iba pa.

Ilan sa mga kurso na kabilang sa kanilang Community Livelihood Program at Livelihood Skills Seminar ay ang cacao production, sea shell handicrafts, meat at fish processing, vegetable production, banana processing, soap at dish washing liquid making, massage therapist at marami pang iba.

Ilan din sa mga kurso ay may kasamang tool kits at allowance at pagkakataong mapagkalooban ng National Certificate na kabilang sa limang TESDA Scholarship Program.

Kailangan lamang anya na bumuo ng 15-25 kasapi bawat kurso na kukuhanin upang marami ang maturuan at makapag-umpisa na ng kabuhayan sa kanilang mga lugar.

Samantala, sinabi ni PDAO Head Benjamin Agua, Jr. na ang nasabing programa ay inisyatibo ng kanilang tanggapan na kung saan suportado ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng tanggapan ni City Program Administrator Peter Joseph Dytioco na nangangasiwa sa Serbisyong Taumbayan ang Masusunod Program.

Ayon pa kay Agua, nais ng PDAO na magkaroon ng sariling pinagkakakitaan ang mga miyembro upang hindi na rin sila umaasa sa mga kaloob ng pamahalaan o sa alinmang sektor ng lipunan para lamang sa kanilang mga pangangailangan. (DN/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content