LUNGSOD NG BATANGAS(PIA)—Nanawagan ang Technical Education and Skills Development Authority(TESDA) Calabarzon sa mga industriya sa bansa na suportahan at makiisa sa kanilang programa.
Sa isinagawang Kapihan sa Bagong Pilipinas, binigyang-diin ni Batangas Provincial Director Dorie Gutierrez na dinodoble nila ang pakikipagtuwang sa mga industriya upang mas mabigyan ng oportunidad ang mga TESDA scholars at graduates na magkaroon ng maayos na trabaho batay sa kanilang kakayahan.
“Sa pagtutulungan ng lahat ng empleyado ng TESDA, nasa 6,000 industriya at stakeholders ang naging katuwang ng aming ahensya kung saan sa ilalim ng Supervised Industry Leatning ay ina-absorb na ang mga TESDA scholars. Ginagawa din naming ang lahat ng paraan upang mabigyan sila ng maayos na trabaho dito sa bansa”, ani Gutierrez.
Sinabi naman ni Rizal Provincial Director Marie Roque na isa sa hamon hindi lamang sa TESDA maging sa mga industriya na dapat mas mapalakas ang pagkilala sa mga TESDA graduates.
“We are recalling our industries na magkaroon ng mas ibayong pagsuporta at pagtataas sa ating mga graduates sapagkat kung kinikilala ang galing nila sa ibang bansa, mas lalong higit dito sa mga local industries natin na mas makilala sila at mabigyan pa ng capacity”, ani Roque.
Samantala, inilahad din ang Technical Vocational Education Training Profile ng rehiyon kabilang ang estado ng TVET Infrastructure, TVET Institution at TVET Assessors.
Sa kasalukuyan, nasa 82.9 porsyento o 90,987 ang nakapagtapos sa ilalim ng training programs ng ahensya.(BMPDC-PIA Batangas)