LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Nagkaloob ng mga personal hygiene kits ang mga kawani ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Oriental Mindoro kamakailan kasama ang mga miyembro ng Oriental Mindoro Technical, Vocational School Association Inc. (OMTVSAI) sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) na nakapiit sa Calapan City District Jail bilang pakikiisa sa selebrasyon ng 2023 National Women’s Month.
Sa mensahe ni TESDA-Ormin focal person Gloria De Jesus, “Ang aming aktibidad na ito ay kasama sa programa ngayong buwan ng kababaihan at handog namin ang mga personal hygiene kits na naglalaman ng mga shampoo, sabon, toothpaste at toothbrush, mga sanitary napkins at lotions na nakalaan sa mga kababaihan at marami pang iba at mayroon din para sa mga kalalakihan.”
Nagbahagi din si De Jesus ng mga programang pangkabuhayan na angkop sa mga PDL na kung saan kanila munang aalamin ang mga nais na programa ng bawat isa at saka ito ibabahagi upang sa panahon na sila aniya ay malaya na, magagamit nila ang mga natutunan para sa kanilang pagbabagong buhay.
Maliban sa mga hygiene kits ay namahagi din ang grupo ng mga babasahing debosyonal para sa mga kababaihan na nasa 20 ang bilang habang ang mga kalalakihan ay mahigit 170. (DN/PIA MIMAROPA)