TESDA-OrMin, nagkawanggawa kina lolo’t lola kasabay ng selebrasyon ng Buwan ng Kababaihan

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Namahagi ng mga personal hygiene kits at disinfectants ang mga kawani ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Oriental Mindoro sa bahay kalinga ng mga matatanda na Aruga Kapatid Foundation sa Brgy. Managpi sa lungsod na ito. Ito ay bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng buwan ng mga kababaihan kamakailan.

Pinamunuan ng administrador ng nasabing ahensiya na si Gloria De Jesus ang pamamahagi ng mga adult diaper, tissue paper, air freshener, alcohol, shampoo, sabon at marami pang iba na tinanggap naman ng tagapangasiwa ng nasabing bahay kalinga na si Lito Vergara.

Bago pa man ang nasabing pamimigay ay kanila munang pinakain ang mga lolo’t-lola ng tanghalian na kung saan 13 ang babae at 10 ang lalaki at pagkatapos ay naghandog ng pag awit ang ilan sa mga matatanda bilang pasasalamat sa mga tulong na siyang magagamit nila sa pang araw-araw.

Lubos ang pasasalamat ni Vergara sa pamunuan ng TESDA at kahit anya sa kaunting oras ay kanilang napasaya ang mga matatanda sa pamamagitan ng kanilang mga kaloob. (DN/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content