The Great Kalayaan Expedition 2023, pinaghahandaan naOrlan Jabagat

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Pinaghahandaan na ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Kalayaan at ng Provincial Tourism and Promotion Office ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang The Great Kalayaan Expedition 2023 na nakatakda sa buwan ng Marso.

Ngunit bago ito simulan ay magkakaroon muna ng familiarization trip sa Pebrero 18 na pangungunahan ng LGU ng Kalayaan upang ma-assess ang kahandaan ng lugar para sa nasabing aktibidad.

Ang familiarization trip ay binubuo ng 40 katao mula sa Fish Right isang Non-Government Organization (NGO), Philippine Coast Guard, mga influencer, representante ng mga travel agency at ilang imbitadong panauhin.

Pupuntahan ng mga ito ang apat na isla ng Kalayaan, ang Lawak, Patag, Likas at Pag-asa sa loob ng pitong araw at anim na gabi kung saan magsisimula sa sa Puerto Princesa ang biyahe ng mga ito.


Isa ang Likas Island sa mga isla sa Kalayaan Island Group (KIG) na kasama sa mga pupuntahan ng mga turista sa The Great Kalayaan Expedition 2023. (Larawan mula sa Naval Forces West)

Ang The Great Kalayaan Expedition 2023 ay isa sa mga pangunahing programa ng LGU-Kalayaan sa pamamagitan ng kanilang Municipal Tourism Office na naglalayong maipakilala ang Kalayaan Island Group (KIG) bilang ‘Center of Adventure for Tourism in Palawan by 2040’.

Kamakailan ay dumalo sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ang mga kinatawan ng LGU-Kalayaan sa pangununa ni Mayor Roberto Del Mundo kasama sina Municipal Tourism Officer Khenjap Hupanda at Municipal Information Officer Ariel Carlos upang personal na hilingin ang suporta ng Provincial Board sa isasagawang TGKE 2023. (OCJ/PIA-MIMAROPA)

In other News
Skip to content