PALIMBALNG, Sultan Kudarat (PIA) — Dagdag na kita para sa mga mangingisda ang hatid ng isang tourist destination sa Palimbang, Sultan Kudarat matapos buksan sa mga turista ang Medol Island, tatlong taon na ang nakalilipas.
Ayon kay Marlon Manaois, isa sa mga mangingisda na naghahatid ng mga turista sa isla, kumikita sila ng P40 sa bawat turistang naihahatid sa Medol Island. Aniya, ito ay dagdag na kita sa P500 hanggang P1,000 na kita nila sa buong araw na pangingisda.
Sinabi naman ni Fairus Talapas Abdullah, barangay chairperson sa Barangay Medol, na malaki ang naging papel ng lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Mayor Joenime Kapina, na matuldukan ang problema sa agawan sa lupa at magkaroon ng kapayapaan sa lugar na ayon sa kanya ay nagsulong sa sektor ng turismo sa bayan.
Nabigyan din ng hanapbuhay ang iba pang mga residente sa lugar sa pamamagitan ng pagtatayo ng maliliit na tindahan malapit sa isla.
Maliban sa pagtampisaw at pagligo sa malinis na dagat, maaari ring mamingwit sa isla. Sa likod na bahagi nito ay may rock formation na pwedeng idevelop bilang diving site.
Sa kabilang banda, inanyayahan naman ni Joeymar Casinao, isang turista mula sa General Santos City, ang publiko na bisitahin ang bayan ng Palimbang, lalo na ang Medol Island.
Aniya, hindi nakatatakot ang lugar tulad ng iniisip ng iba. Dagdag pa niya, mababait ang tao at mayaman ang kultura ng Palimbang. (SJDM – PIA Region 12)