Mga kuha mula sa Pasay City
LUNGSOD QUEZON, (PIA) — Magandang balita! Pormal na lumagda ng Memorandum of Agreement (MOA) ang Pamahalaang Lungsod ng Pasay, McDonalds Philippines, at Department of Labor and Employment (DOLE) upang magbigay ng pagkakataon na makapagtrabaho ang mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs).
Pinangunahan nina Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano Ruben Marasigan, Vice President Human Capitol Group ng Mc Donalds Philippines, at si Atty. Sarah Buena Mirasol, Regional Director ng DOLE ang paglalagda ng MOA.
Sa ilalim ng kasunduan, tatanggap ng mga trabahador na seniors at PWDs bilang crew ang mga Mc Donalds. Ang mga seniors ay mabibigyan ng limang buwan upang magtrabaho at tatanggap din ng kaparehong sahod ng mga regular na empleyado. Samantala, ang mga PWDs naman ay magiging probationary at may pagkakataon na maging regular na kawani ayon sa husay ng trabaho nila.
Ayon kay Mayor Emi, sadyang malapit sa kanyang puso ang mga seniors at PWDs kayat kahit noong siya ay nasa Kongreso pa ay isinulong nya ang mga batas na nagtataguyod sa kanila.
Matatandaan din na si Mayor Emi ang pangunahing may akda ng Republic Act 10911 o ‘Anti-Age Discrimination in Employment Act.’ Ito ay sa pagnanais na siguruhing mabigyan pa rin ng pagkakataon ang ating mga lolo at lola na makapag-trabaho basta kwalipikado.
Ang programang ito ay bahagi ng Livelihood agenda sa ilalim ng HELP program ng pamahalaang lungsod. (Pasay City/PIA-NCR)