
LUNGSOD PASIG, (PIA) — Magandang balita! Simula sa Miyerkules, Setyembre 6, matatanggap na ng mga mag-aaral ng Lungsod Pasig ang kanilang transportation allowance.
Inanunsyo ni Pasig City Mayor Vico Sotto na simula sa Setyembre 6 hanggang Setyembre 15, 2023, ay magkakaroon ng distribusyon ng transportation allowance mula sa pamahalaang lokal na nagkakahalaga ng 1,500 pesos kada mag-aaralsa mga paaralang K-12 sa ilalim ng Department of Education Pasig.
“Ako po ay humihingi ng inyong pasensya. First time lang din natin ito; maasahan niyo na sa susunod na schoolyear ay mas aagahan namin ang timeline.”
“Alam kong maraming gastusin pag magpapasukan, kaya sana makabawi ako sa inyo kahit papaano sa pamamagitan ng nasabing cash allowance,” ani Mayor Sotto.
Siniguro rin ni Sotto na tuloy pa rin ang pamamahagi ng school supplies, bagaman pansamantalang maaantala ang pamamahagi nito.
Samantala, nagsimula na rin ang Pasig sa pamamahagi ng unang tranche ng MBP o Malusog na Batang Pasigueño kung saan nakapaloob dito ang tuna, iodized salt at vitamins.
Idinagdag pa ng punong lokal na magkakarron din ng ikalawang tranche ng MBP kung saan nakapaloob ang gatas, at ikatlong tranche ng MBP ngayong semester, kung saan bigas naman ang matatanggap ng mga mag-aaral.
Noong nakaraang linggo, muling nagbalik-eskwela ang mga mag-aaral kung saan mahigit-kumulang 22 milyong mag-aaral sa buong bansa ang inaasahang nasa paaralan ngayong taon. (Pasig City/PIA-NCR)