PAGSANJAN, Laguna (PIA) — Isang kasunduan ang pinirmahan ng tatlong munisipalidad sa lalawigan ng Laguna na layong mapaunlad at mapayabong ang sektor ng turismo sa lugar.
Lumagda sa trilateral agreement sina Pagsanjan Mayor Cesar Areza, Cavinti Mayor Arrantlee Arroyo, at Lumban Mayor Rolando Ubatay para sa pangangalaga ng Pagsanjan Gorge National Park at Cavinti o Pagsanjan Falls.
Sinaksihan ang trilateral agreement signing ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia-Frasco, Governor Ramil Hernandez, at DOT IV-A Regional Director Marites Castro.
Nakasaad sa kasunduan na magkakaroon ng paghahati-hati ng kita ang tatlong bayan na siyang maaaring ipamahagi sa mga bangkero at iba pang tourism workers para sa ikauunlad ng kanilang pamumuhay.
Napagkasunduan din ang pagbibigay ng diskwento sa ilang mga bilihin at serbisyo para sa mga turista sa panahon ng kapistahan o mga pagdiriwang ng festival sa bawat bayan.
Ayon kay Sec. Frasco, mahalaga ang pagkakaroon ng pagkakaisa at iisang mithiin ng mga munisipalidad upang maisulong ang sektor ng turismo, na isa aniya sa kanilang ginawa noon bilang alkalde sa Cebu.
“Yung pagkakaisa na ito ay nagbibigay ng pag-asa sa ating mga kababayan who are dependent on the success of the tourism offerings of the province as well as Pagsanjan Falls.”
“…Kasi po ako din bilang isang dating mayor, alam ko po kung gaano kaimportante yung pagtutulungan at pagkakaisa lalong lalo na po sa turismo. I’m here to express my support to this tripartite agreement and I’m here to express the Department of Tourism’s support for reclaiming the glory days of Pagsanjan,” dagdag ng kalihim.
Kumpiyansa si Sec. Frasco na magdadala ng mas maraming trabaho ang bagong kasunduan para sa tatlong bayan.
“As a result of this, many jobs may be given to the people of Laguna. Economic enterprises will flourish, and the full development of the tourism offerings of these three municipalities as well as the province will ensue. This coming together of government, both local and national, the private sector as well as the people of this beautiful province promises a very bright future for the tourism of Laguna.”
Para kay Governor Hernandez, malaki ang tulong ng buong suporta ng DOT sa mga programang pangturismo ng kanyang administrasyon na kaakibat sa bagong tourism slogan ng lalawigan na “Love Laguna”.
“Patuloy po nating papasiglahin ang turismo na natigil noong panahon ng pandemic kaya sinusuportahan po natin itong mga ganitong gawain tulad ng tripartite agreement at ang atin pong Love Laguna tourism campaign po natin ay patuloy po ang ating pagsusulong niyan at pagpo-promote,” ani Hernandez.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Pagsanjan, sa ngayon ay binubuo ng mga banyaga ang 90% tourist arrivals sa bayan, habang 10% lamang ang mga lokal na turistang bumisita. Hangad nilang mapataas ang bilang ng mga lokal na turista upang mas mapaunlad pa ang naturang sektor.
Inaanyayahan ni Pagsanjan Mayor Cesar Areza ang mga kababayan niyang Lagunense at mga Pilipino na bumisita sa lalawigan ng Laguna at sa mga atraksyong kanilang ipinagmamalaki at huwag maging dayuhan sa sariling bayan.