TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) – Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) Region 2 na umabot na sa mahigit P5.2 milyon ang naipamahaging tulong ng kagawaran sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na nangailangan ng suporta mula sa Lambak Cagayan.
Ayon kay Atty. Romelson Abbang, regional director, ang mga tulong ay ibinibigay sa ilalim ng iba’t-ibang programa ng kagawaran.
Kabilang sa mga ito ang “Sa Pinas Ikaw ang Ma’am at Sir,” na para sa mga dating OFW na nais na lamang magturo sa mga paaralan sa Pilipinas kaysa magtrabaho muli sa ibang bansa.
“Umabot na sa 62 na mga dating OFW ang natulungan natin sa programang ito sa halagang P1.24 milyon. Kung mayroon pong mga nais pang mag-avail sa programang ito, maari silang dumulog sa ating tanggapan,” ani Abbang.
Nasa 107 naman ang natulungan sa ilalim ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFWs na nangangailangan, sa halagang P3.21 milyon; 38 naman ang nabigyan ng pangkabuhayan sa ilalim ng ‘Livelihood Development Assistance Program’ sa halagang P380,000; at 45 naman ang natulungan sa ilalim ng Balik Pinas, Balik Hanapbuhay sa halagang P450,000.
“Tuloy-tuloy ang ating pagtulong sa mga OFW na nangangailangan, hindi lamang ang mga nasa ibang bansa na nakikipagsapalaran doon kundi maging ang mga bumalik na at nais magkaroon ng pangkabuhayan dito,” pahayag ni Abbang.
Inihayag din ni Abbang na minomonitor ng kanilang ahensiya ang mga pangkabuhayan na naibibigay sa mga OFW na nais magkaroon ng puhunan para makapagtayo ng negosyo sa Pilipinas kaysa sa bumalik sa ibang bansa.
Maliban sa mga ito, marami na ring natulungan ang DMW na mga manggagawang Pinoy sa ibayong dagat kabilang na ang mga nagkaroon ng problema sa kanilang mga pinapasukang trabaho, nagkaroon ng aberya sa kanilang mga kontrata, at mga nagkaroon ng hindi magandang karanasan sa ibang bansa. (OTB/PIA Region 2)