LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Ayon sa nakalap na datos ng Provincial Tourism Office para sa buwan ng Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan, nakapagtala ang lalawigan ng 235,466 tourist arrivals at 353,865 visitor arrivals para sa mga naturang buwan.
Nangangahulugan lamang na mataas ang bilang ng turista na pumasok sa lalawigan na inaaasahang magiging malaking tulong sa pag-angat ng ekonomiya.
Ang naitalang bilang din ay mas mataas kumpara sa kabuoan ng taong 2022.
Samantala, naitala rin na para sa buwan ng Abril, naitala ang pinakamalaking bilang ng domestic at foreign tourist arrivals. Nanguna naman ang mga turista mula sa South Korea sa may pinaka malaking bilang ng foreign tourist sa lalawigan para sa buwan ng Hunyo.
Sa datos naman ng Department of Tourism (DOT) Mimaropa para sa buwan ng Hunyo, nasa ikatlong pwesto ang bayan ng Puerto Galera bilang isa sa mga pinakadinadayong destinasyon sa rehiyon ng Mimaropa para sa naturang buwan.
Nakuha naman ng Bulalacao ang ika-anim na pwesto, samantala, pang walo at siyam naman ang Lungsod ng Calapan at Pinamalayan.
Inaasahan naman na sa mga susunod pa na mga buwan ay higit pang lalakas ang sektor ng turismo sa lalawigan, lalo na ngayong lumuwag na ang mga restriksyon pagdating sa paglalakbay dahil sa pagkaka-alis ng Covid-19 public health emergency sa bansa. (JJGS/PIA MIMAROPA – Oriental Mindoro)
Maraming bagong mga atraksyon ang nadidiskubre sa lalawigan ng Oriental Mindoro, kung kaya’t inaasahan na tutulong ito sa higit na pagpapalakas ng turismo sa lalawigan.