QUEZON CITY, (PIA) – Sa pagdiriwang ng ika-61 anibersaryo ng diplomasya sa pagitan ng Pilipinas at Nigeria, mainit na tinanggap ni Senior Undersecretary Domingo F. Panganiban ng Kagawaran ng Agrikultura (Department of Agriculture) si Emmanuel Oloja Akpakwu, Philippine Honorary Consul General ng Lagos, Nigeria, sa isinagawa nitong courtesy call noong Biyernes, Agosto 11.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa taong 2022, nakatanggap ang Nigeria ng US$ 9,190 halaga ng export products mula sa Pilipinas, samantala nagkakahalaga naman ng US$ 73,780 ang imported products ng bansa mula rito.
Sa katunayan, ang Nigeria ang ika-53 sa mga bansang pangunahing katuwang ng Pilipinas sa kalakalan.
Kabilang sa mga top export products ng Pilipinas patungong Nigeria ay ang palmitic acid, stearic acid, at mga kaugnay na sangkap; mga kagamitan para sa pag-aayos ng agrikultural na produkto; mga kagamitan sa pagpapaganda at pangangalaga sa balat (maliban sa mga gamot); mga kagamitan sa opisina; at mga extracts at pampalasa.
Samantala, ang mga pangunahing inaangkat ng Pilipinas sa Nigeria ay ang mga liquified petroleum gases tulad ng propane at butane; mga natirang sangkap mula sa paggiling ng trigo; at mga materyales para sa produksiyon ng mga elektrikal at elektronikong kagamitan.
Layunin din umano ng dalawang bansa na magtulungan para sa seguridad sa pagkain at pag-unlad ng value chain.
Bilang pasimula, nagpanukala ang Nigeria na magbigay ng abot-kayang soya beans sa Pilipinas.
Inihayag din ni Consul General Akpakwu ang kanilang hangaring magkaroon ng isang Memorandum of Understanding (MOU) sa ating bansa na magsisislbing balangkas para sa hinihinging tulong ng Nigeria sa pagkakaroon ng harvest at post-harvest technology at pagbabahagi na rin ng mga magagandang pamamaraan sa produksiyon ng sibuyas, kakaw, kasuy, at manga. ((PIA-NCR)