CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Nagpahayag ng suporta si Laguna Second District Representative Ruth Mariano-Hernandez sa hirit na pagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa Laguna at iba pang probinsiya sa Calabarzon.
Sa House Resolution 1172 na kanyang inihain sa Kongreso, hinimok ni Hernandez ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) IV-A ng Department of Labor and Employment (DOLE) IV-A na agarang maglabas ng kautusan hingil sa umento sa sahod.
Sa isang pahayag, sinabi ni Hernandez na napapanahon at makatutulong ang dagdag na sahod para matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya at makasabay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Ang paghimok natin sa RTWPB at DOLE na i-adjust ang minimum na sahod ay hakbang upang tulungan ang mga manggagawa sa Laguna at rehiyon ng Calabarzon na mai-angat ang kanilang sahod para sa paglaon ay magkaroon ng mas nakabubuhay na sahod para kanilang sarili at mahal sa buhay,” ani Hernandez.
Sa House Resolution 1172 na kanyang inihain sa Kongreso, hinimok ni Laguna Second District Representative Ruth Mariano-Hernandez ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) IV-A ng Department of Labor and Employment (DOLE) IV-A na agarang maglabas ng kautusan hingil sa umento sa sahod.
Makatutulong din aniya ito upang mapataas ang pagiging produktibo ng mga manggagawa na makatutulong naman sa muling paglago ng ekonomiya sa rehiyon.
Binigyang diin rin Hernandez ang malaking agwat ng minimum wage ng NCR sa Calabarzon gayong hindi naman aniya nagkakalayo ang halaga ng bilihin sa dalawang rehiyon.
“May malaking agwat na P140 sa pagitan ng minimum wage sa Calabarzon sa batayang sahod sa Metro Manila bagama’t hindi na nagkakalayo ang halaga ng gastusin sa pang-araw-araw sa NCR man o Calabarzon,” ani Hernandez.
Kasalukuyang nasa P350 hanggang P470 ang minimum wage ng mga manggagawa sa rehiyon ng Calabarzon.
Kaugnay nito, patuloy ang RTWPB IV-A sa pagsasagawa ng mga public consultations sa iba’t ibang lugar sa rehiyon na layong marinig ang boses ng mga manggagawa.
Ayon sa RTWPB IV-A, makakatulong ang mga konsultasyon pagdating sa usapin ng minimum wage adjustment dahil na rin sa mga petisyon na inihain ng mga labor groups noong Marso. (AM/PIA-4A)