LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE (PIA) — Sinuyod ng Run After Contribution Evaders (RACE) Team ng Social Security System (SSS) ang mga liblib at tagong tanggapan ng anim na delinquent employer sa lungsod ng San Jose del Monte.
Layunin na maubliga sila na bayaran ang halagang nasa P1.75 milyon na hindi naihuhulog na kontribusyon ng kanilang 51 empleyado.
Paliwanag ni Marites Dalope, branch head ng SSS Olongapo at kinatawan ng Luzon Central 2 Division, dito inialok ng ahensya na bayaran ang mga obligasyon sa pamamagitan ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program.
Ibig sabihin, hindi na pababayaran ang penalties kundi ang principal at interes na lamang.
Sinabi naman ni Ronald de Guzman, corporate executive officer II ng Accounts Management Section ng SSS San Jose Del Monte branch, inisyal pa lamang ito sa 1,475 na delinquent employer na sinisingil ng SSS ngayong unang bahagi ng 2023.
Aabot sa halagang P41 milyon ang hinahabol na SSS na dapat bayaran ng nasabing mga employers kung saan nakasalalay ang benepisyo ng nasa 6,206 na mga manggagawa.
Samantala, iniulat din niya na nakakolekta na ang SSS San Jose Del Monte ng P1.79 milyon na hindi naihuhulog na kontribusyon mula sa walong delinquent employer na napuntahan ng RACE noong 2022.
Isa ang nagbayad na nang buo, dalawa ang aprubado na ang installment plan at lima ang nakapag-partial compliance at inisyal nang nakapagbayad.
Tiniyak nito ang benepisyo ng nasa 200 mga manggagawa.
Prinoproseso na rin ang sistema para sa pagbabayad ng P8.5 milyon pang halaga ng kontribusyon mula sa nasabing mga delinquent employers sa pamamagitan ng noo’y Pandemic Relief and Restructuring Program. (CLJD/SFV-PIA 3)
Binigyang diin ni Marites Dalope (gitna), branch head ng Olongapo at kinatawan ng Luzon Central 2 Division, sa ginanap na Run After Contribution Evaders ng Social Security System San Jose Del Monte branch na nalalagay sa alanganin ang mga benepisyo ng isang manggagawa sa pribadong sektor kung hindi nagbabayad o hindi nakakabayad ng kontribusyon ang isang delinquent employer. (Shane F. Velasco/PIA 3)