Ssi Barbara L. Evio o mas kilala bilang Lola Baray na residente ng Barangay Poblacion, San Vicente, Palawan ang kauna-unahang centenarian awardee ng nasabing bayan. (Larawan sa itaas at sa ibaba ay mula sa San Vicente Municipal Information Office)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Kinilala ng Pamahalaang Nasyunal sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kauna-unahang ‘Centenarian Awardee’ sa bayan ng San Vicente, Palawan.
Ito ay si Barbara L. Evio o mas kilala bilang Lola Baray na residente ng Barangay Poblacion kung saan tumanggap ito ng halagang Php 100,000.00 mula sa pamahalaang nasyunal, kasama ang isang Letter of Felicitation mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at isang Certificate of Recognition mula sa lokal na pamahalaan ng bayan ng San Vicente nitong Marso 10.
Ang pagkilala sa mga nakatatandang Pilipino na umabot sa edad na 100 taong gulang o mas higit pa ay sa pamamagitan ng Republic Act 10868 na mas kilala bilang Centenarians Act of 2016 kung saan ang parangal at insentibo para sa mga centenarian ay isang beses lamang ibinibigay.
Ang seremonya ng pagkilala kay Lola Baray ay isinagawa sa mismong tahanan nito kung saan pinangunahan ni Vice Mayor Ramir R. Pablico ang delegasyon kasama ang mga kawani mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Mayor’s Office upang personal na iabot ang pera at mga sertipiko.
Ayon kay Mae Sandra Basio, Project Development Officer ng DSWD-Social Pension Program, dapat aniyang ipagbigay-alam ng mga pamilyang may miyembro na centenarian o malapit nang maging centenarian sa mga MSWDO ng kanina-kanilang munisipyo upang mapasimulan agad ang proseso ng aplikasyon at mga kinakailangang dokumento para sa centenarian award.
Dagdag pa ni Basio na kapag tama ang mga dokumentong maisumite at maiproseso ay ibinibigay ang pagkilala sa mismong kaarawan ng centenarian. (OCJ/PIA-MIMAROPA)