Unang Organic Certifying Body sa CALABARZON kinilala ng DA IV-A

LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna (PIA) — Binigyang rekognisyon ng Department of Agriculture (DA) IV-A at ng Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS) ang Samahan ng Organikong Industriya ng Laguna (SOIL) bilang kauna-unahang Participatory Guarantee System-Organic Certifying Body sa rehiyon, noong ika-9 ng Enero sa Sta. Cruz, Laguna.

Bilang PGS-OCB, ang SOIL ay binibigyan ng mandato na mag-inspeksyon at kilalanin ang iba pang mga samahan ng organikong magsasaka bilang Certified Organic Farmers.

Ang PGS ay nakapaloob sa Republic Act (RA) 11511 o ang batas na inaamyendahan ang RA 10068 na naglalayong payabungin at palawigin ang organikong pagsasaka sa bansa.

Simula Hulyo 2022, sumailalim ang organisasyon sa ilang mga pagsasanay at pre-inspection activities na pinamahalaan ng DA-4A Regulatory Division at DA Bureau of Agriculture and Fisheries Standards upang siguraduhing may kapasidad ang mga miyembro nito na tatayo bilang organic third-party certifiers para sa mga organic farmers.

Sa mensahe ni DA IV-A Regional Executive Director Milo delos Reyes, hangad niya na magsilbing inspirasyon ang SOIL sa lahat ng organikong magsasaka para sa patuloy na pagpapayabong ng kanilang industriya.

Bukod sa rekognisyon, nakatanggap din ng ilang interbensyong pang-agrikultura mula sa DA IV-A ang grupo kagaya ng livelihood project, mga kagamitan sa pagtatanim, at inputs na may kabuuang halaga na P6,902,000.

Nagpasalamat si Suzette Sales, Pangulo ng SOIL sa pagkilala sa kanilang mga adhikain para sa organikong pagsasaka.

“Hindi madali ang pinagdaanan ng SOIL kung kaya’t nagpapasalamat kami sa lahat ng mga tumulong upang makamit namin ang pangarap na ito. Tinatanggap po namin ang hamon para sa de-kalidad at ligtas na pagkain para sa lalawigan ng Laguna,” ayon kay Sales.

Samantala, nakatanggap din ng P317,000 halaga ng interbensyon mula sa DA IV-A Organic Agriculture Program (OAP) ang Costales Nature Farms bilang tulong-pangkabuhayan.

Ayon sa DA IV-A OAP, patuloy nilang hinihikayat ang iba’t ibang grupo ng organikong magsasaka na makiisa at sumailalim sa PGS.

Inaasahang may sampu pang grupo ng organikong magsasaka mula sa lalawigan ng Laguna ang mabibigyan ng sertipikasyon ng DA at bubuo ng panibagong PGS Core Group. (CH/PIA-Laguna)

In other News
Skip to content