SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Isinagawa ang kauna-unahang Regional Technical Education and Skills Development Committee (RTESDC) Meeting sa Seasons Hotel, sa bayan ng San Jose noong ika-21 ng Pebrero.
Ang RTESDC, ayon kay Angelina Carreon, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Regional Director, ang pinakamataas na decision-making body sa rehiyon kaugnay ng mga usapin sa TESDA kabilang na ang mga isyu, programa, inisyatiba, pati na ang pagtulong sa mga benepisyaryo ng TESDA.
Sa panayam kay Carreon, sinabi nito na pangunahing layon ng pulong na makabuo ang komite ng 5-year Development Plan na nakabatay sa plano at direksyong nais tahakin ng Pamahalaang Nasyunal para sa Kagawaran. Aniya, laman din ng TESDA Development Plan ang mga hindi nagawa ng kanilang tanggapan noong nakaraang limang taon at matukoy ang mga dapat pang ipagpatuloy. Dagdag pa ng opisyal, bubuo din ng kanya-kanyang development plan ang bawat tanggapan ng TESDA sa limang probinsya sa Mimaropa.
Sa nasabi ring panayam ay ipinaalala ng TESDA Regional Director ang kahalagahan ng pagkuha ng TESDA Certificate para sa pagtatrabaho sa loob at labas ng bansa. Aniya, mahirap makahanap ngayon ng trabaho kung wala ang nasabing sertipikasyon na makukuha lamang kung makakapasa sa mga TESDA courses. “Sa ibang bansa, ang mga (TESDA) certified Filipino Workers, ay binibigyan ng prayoridad, may mataas na sweldo at mataas ang tingin sa kanila,” dagdag pa ng opisyal.
Ayon pa kay Carreon, sa pamamagitan ng mga kurso ng TESDA, matuturuan ng napapanahong kasanayan at kaalaman, at gayundin ng wastong disposisyon at ugali sa pagtatrabaho ang mga manggagawang Pilipino. (VND/PIA MIMAROPA)
Ipinapaliwanag ni TESDA Regional Director Angelina Carreon na mahalagang makabuo ang Regional Technical Education and Skills Development Committee (RTESDC) ng Five-year Development Plan para sa Rehiyon. (PIA OccMdo)