VP Sara Duterte, pinangunahan ang inagurasyon ng Oriental Mindoro Sports Complex

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Pormal nang ininagurahan noong Abril 25 ang Oriental Mindoro Sports Complex sa Barangay Santiago, Naujan, Oriental Mindoro.

Pinangunahan ni Bise Presidente at Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon Sara Duterte, kasama si Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor, ang naturang gawain kasabay ang pagbubukas ng Palarong Pampaaralan na dinaluhan ng libu-libong atletang Mindoreño sa iba’t-ibang panig ng lalawigan.

Sa kanyang mensahe, personal na pinasalamatan ni Bise Presidente Duterte ang mga Mindoreñong sumuporta sa kaniyang kampanya noong nakaraang taon.

Ayon pa sa kanya, napapanahon ang isinasagawang aktibidad upang palakasin ang adbokasiya para sa mga kabataan.

Binigyan diin din ng Bise Presidente ang kahalagahan ng edukasyon sa pagpapaunlad ng sarili at hinaharap ng mga ito.

Pasasalamat din ang ipinaabot nito sa Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro sa pamumuno ni Governor Dolor sa pagbibigay halaga nito sa sektor ng palakasan sa lalawigan.

Katuparan naman ng pangarap para sa kabataang Mindoreno ang nakikita ni  Governor Dolor habang pinagmamasdan ang istruktura, na ayon pa sa gobernadora ay magiging malaking tulong sa ekonomiya ng lalawigan kung sakaling pagdausan ang naturang lugar ng mga malalaking patimpalak hinggil sa palakasan.

Matatandaan naman na sa pamamagitan nang masigasig na pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro sa iba’t ibang ahensya sa pamahalaang nasyonal, nakalikom ng inisyal na pondo upang ipatayo ang Sports Complex.

Ang P50 milyon ay nagmula sa pondo ng opisina ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano para sa konstruksyon ng track oval.

Naglaan naman ng P30 milyon na pondo ang tanggapan ni Senador Sonny Angara para sa  pagpapagawa ng grandstand, samantalang P10 milyon naman ang kaloob ng opisina ni Senator Migz Zubiri para sa pagpapatayo ng bleachers.

Naging saksi naman sina Vice-Governor Ejay Falcon, Schools Division Superintendent Dr. Ma. Luisa S. Servando at DepEd MIMAROPA Regional Director Dr. Nicolas Capulong sa naturang gawain. (JJGS/PIA MIMAROPA)


Personal na pinasalamatan ni Bise Presidente Sara Duterte sa kaniyang mensahe sa ginanap na pagbubukas ng Oriental Mindoro Sports Complex ang mga Mindoreño na sumuporta sa kaniya noong panahon ng eleksyon.

In other News
Skip to content