LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Nakiisa sa inagurasyon ng Provincial Sports Complex at pagbubukas ng tatlong araw na kompetisyon ng Palarong Pampaaralan 2023 si Vice President Sara Duterte bilang panauhing pandangal ni Gob. Humerlito Dolor na ginanap sa Barangay Santiago, Naujan kamakailan.
Sa mensahe ni VP Sara, kanyang sinabi sa mga kalahok na kabataan na “napapanahon ang pagbubukas ng sports complex na siyang magpapalakas sa adbokasiya ng pamahalaan upang makilahok sa mga palaro ang ating mga kabataan.”
Bilang kalihim din ng Kagawaran ng Edukasyon, nananawagan siya sa mga magulang na dalhin sa paaralan at isali sa mga aktibidad na pampalakasan ang kanilang mga anak dahil dito mahuhubog ang kanilang pagkatao, pagkakaroon ng disiplina sa sarili, kondisyon ng pangangatawan at maging isang produktibong mamamayan sa hinaharap.
Dagdag pa ni VP Sara na ang pag-aaral at pakikilahok sa larangan ng sports ang siyang magbibigay kaabalahan sa mga kabataan upang hindi magkaroon ng kaugnayan sa mga pwersa na maaring makasira sa kinabukasan gaya ng masangkot sa anumang uri ng krimen at paggamit ng mga iligal na droga, gayundin ang pag-uugali at disiplina.
“Naniniwala ako na maipapanalo ng bawat Pilipino ang mga hamon sa buhay at tagumpay laban sa kahirapan,” pagtatapos na mensahe ni Duterte-Carpio. (DN/PIAMimaropa-OrMin)