Walang naitalang malubhang pinsala matapos ang magnitude 6.3 na lindol sa Calatagan

BATANGAS CITY (PIA) — Walang naiulat na malubhang pinsala o mga naapektuhang residente sa bayan ng Calatagan kung saan naitala ang sentro ng magnitude 6.3 na lindol na yumanig nitong Huwebes ng umaga, Hunyo 15, ayon kay Mayor Peter Oliver Palacio.

Sinabi ni Palacio na agad silang nagsagawa ng damage assessment upang matiyak na rin ang kaligtasan ng mga residente dahil na rin sa inaasahan pang mga kasunod na pagyanig.

Kaugnay nito ay sinuspinde ang klase ngayong hapon sa Calatagan at iba’t ibang bahagi ng Calabarzon upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa paaralan.

Kabilang sa mga nagdeklara ng suspensiyon ng klase ang lalawigan ng Laguna, Bacoor City, at Naic, Cavite sa lahat ng antas ng mga pampubliko at pribadong paaralan

Sa pagpupulong ng Calabarzon Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC), sinabi ni Erlinton Olavere ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na marami pang aftershocks ang inaasahan sa loob ng tatlong araw hanggang isang linggo. Tiniyak naman ni Olavere na walang banta ng tsunami sa bansa.

Sa ngayon, patuloy ang Calabarzon RDRRMC at Calatagan Municipal DRRM Office sa pagsusuri sa pinsala na dinulot ng magnitude 6.3 sa Calatagan, Batangas.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development IV-A, may 1,500 food packs ang naka-preposition para sa bayan ng Calatagan at agad na maipapadala sa mga nangangailangan.

Ayon kay Reyan Derrick Marquez, Office of Civil Defense CALABARZON Officer-in-Charge, tuloy-tuloy ang RDRRMC sa pagbibigay ng mga babala sa mga residente at pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Calatagan para sa mga kaukulang hakbang.

Ayon sa Phivolcs, may lalim na 103 kilometro ang lindol na yumanig sa Calatagan bandang 10:19 ng umaga.

Naramdaman din ang pagyanig sa ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, at Metro Manila.  (PIA BATANGAS)

In other News
Skip to content