Water Desalination Facility sa Barangay Cobrador pinasinayaan ng DOST

ROMBLON, Romblon (PIA) — Pinasinayaan ng Department of Science and Technology (DOST), katuwang ang lokal na pamahalaan ng Romblon, ang Water Desalination Facility sa Barangay Cobrador sa bayan ng Romblon, Romblon, Abril 27.

Pinangunahan ni DOST Secretary Dr. Renato Solidum Jr. ang pagpapasinaya kasama sina Romblon Rep. Eleandro Madrona, Gov. Jose Riano, at Mayor Gerard Montojo. Dumalo rin sa pagpapasinaya sina DOST Undersecretary for Regional Operations Engr. Sancho A. Mabborang at DOST Mimaropa Regional Director Dr. Ma. Josefina P. Abilay.

Ang proyektong ito ng DOST ay naglalayong magbigay ng malinis na tubig sa mga residente sa lugar sa pamamagitan ng water desalination technology, kung saan inaalis o binabawasan ang asin mula sa tubig-alat para magamit ng mga residente.

Sa tulong ng DOST, ang mahigit 500 household sa barangay ay makikinabang sa proyektong ito.

“Ang tubig ay pangunahing kailangan ng bawat isa, pero kahit 21st century na tayo ay marami paring lugar sa buong mundo ang walang access at hindi makakuha ng malinis na tubig. Sa bawat problema, posibleng may solusyon at ito ‘yung dinadala ng mga Engineers at Scientist na puwede niyong makatulong habang kayo ay namumuhay dito [sa Cobrador],” pahayag ni Solidum.

“Dito sa araw na ito, dito sa Cobrador island, ‘yung problema ninyo na walang access sa malinis na tubig ay masusolusyonan na, at ang solusyon ay ang desalination,” dagdag pa nito.

Malaki ang pasasalamat ng mga residente ng barangay sa proyekto. Ayon kay Punong Barangay Juan Dela Cruz, kung noon ay kailangan pa mag-angkat ng malinis na tubig mula sa ibang isla, ngayon ay nasagot na ng gobyerno.

Sinabi naman ni Regional Director Abilay na patuloy na magbibigay ng mga proyekto ang kanilang ahensya lalo na sa mga lugar na kasama sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o GIDA. (PJF/PIA Mimaropa-Romblon)

In other News
Skip to content