Wetlands sa Calabarzon, nanganganib dahil sa land conversion, ecotourism

LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna (PIA) – Binibigyan diin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Calabarzon na mahalagang pangalagaan ang mga wetlands mula sa banta ng pagkasira nito, kasabay ng pagdiriwang ng World Wetlands Day.

Alinsunod sa Proclamation No. 74 ng noon ay Pangulong Joseph Estrada, nakikiisa ang buong bansa sa pagdiriwang ng World Wetlands Day tuwing ika-2 ng Pebrero kung kailan nilagdaan ang 1971 Ramsar Convention.

“Binibigyang diin ng World Wetlands Day ang pagkilala sa pagtutulungan ng kalikasan at ng tao,” ani PENRO Quezon Wetlands Focal Person, Melindo Gordo.

Paliwanag ni Gordo, malaki ang gampanin ng mga polisiya ng pamahalaan upang mapangalagaan at mabigyan ang proteksyon ang mga wetlands at ang natural resources na matatagpuan dito.

Batay sa datos ng DENR Calabarzon, mayroong 22 wetlands sa mga lalawigan ng Laguna at Quezon na kasalukuyang pinangangalagaan ng pamahalaan. Subalit inaasahang madaragdagan pa ito dahil mayroon pang mga bagong wetlands na nadidiskubre.

Ayon kay PENRO Laguna Wetlands Focal Person, Maria Teresa Silan, malaki ang naitutulong nito sa kabuhayan, partikular na sa ikatlong distrito ng kanilang lalawigan dahil ginagawa itong ecotourism site. Malaki rin ang naitutulong nito upang maiwasan ang malalang epekto ng climate change tulad ng pagbabaha sa mababang bahagi ng probinsya, at pagregulate ng water supply sa ecosystem.

Ito rin ang isa sa mga pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan ng mga mamamayan, at nasisilbing tirahan ng mga migratory birds.

Bilang isang industrialized na lalawigan, isa sa mga pangunahing banta sa mga wetlands sa Laguna ang land conversion.

“Ang threat dito sa Laguna ay ang conversion ng wetlands upang maging commercial at residential areas. Kaya naman, tuloy tuloy ang ginagawa naming treeplanting activity at coastal cleanup. ‘Yung cleanup activities namin, tuloy tuloy pa rin para marestore ‘yung lakes namin.” ani Silan.

Bilang isa sa mga ecotourism center sa bansa, nanganganib naman ang wetlands sa lalawigan ng Quezon ang pagdating ng invasive species at ang mga gawaing panturismo na nakakasira sa kalikasan.

Sa ngayon, sinisikap ng DENR CALABARZON na lalong mapatibay ang pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa pangangalaga ng mga wetlands sa rehiyon. Batid rin ng pamahalaan na mahalagang maunawaan ng mamamayan ang kahalagahan ng wetlands kaya naman patuloy rin ang kanilang mga Information, Education, and Communication (IEC) Campaigns. Masusi rin ang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan at pagbabantay sa mga wetlands sa rehiyon. (PB)

PANOORIN ANG BUONG PANAYAM NG PENRO LAGUNA AT PENRO QUEZON PARA SA WORLD WETLANDS DAY SA SULONG CALABARZON.

In other News
Skip to content