LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Isinagawa kamakailan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Mimaropa at DOLE Oriental Mindoro ang Workers Organization and Development Program (WODP) Training sa walong rehistradong samahan ng mga manggagawa sa Mansalay na ginanap sa munisipyo ng Mansalay.
Ang pagsasanay ay pinangunahan ng Provincial Public Employment Service Office (PESO) at Municipal PESO ng Mansalay kung saan nakilahok ang 28 opisyales at kasapi ng iba’t-ibang samahan na nakatala sa DOLE Registered Workers Association.
Tinalakay ng mga tagapagsalita na si Labor and Employment Officer III, Gene Michael V. Musni ang usapin sa Occupational Safety and Health gayundin si David Evangelista, Livelihood Development Specialist na kung saan kanyang ipinaliwanag ang mga layunin ng samahan, adhikain, pangitain at misyon, pondo at ang direksiyon na tatahakin sa hinaharap.
Ang WODP ay ang pangunahing programa ng DOLE na naglalayong hasain ang kakayahan ng mga manggagawa at kanilang samahan para lubos na magampanan ang kanilang tungkulin upang maging epektibo sa lahat ng larangan at relasyon sa mga manggagawa. (DN/PIA-Mimaropa/OrMin)