Isa si tatay Nemerio Villaflores sa maituturi na espesyalista sa bayan ng Magsaysay.

Subalit, kumpara sa mga espesyalista sa akademya o sa iba pang larangan, dalubhasa si tatay Nemerio sa organikong pagsasaka.

Nakakatuwa kung paano inalala ni tatay Ronie (tawag sa kanya ng mga malalapit na kaibigan) ang dahilan kung bakit siya bumalik sa organikong pamamaraan. Binalikan pa niya ang taong 1977, upang maikuwento ang kanyang naranasan ng minsan siyang mag-spray ng pestisidyo sa kanyang mga pananim. “Nahilo ako. Nasabi ko tuloy sa sarili ko na kalokohan ata ito at imbes na buhayin ko pamilya ko e pinapatay ko sarili ko,” pabirong pagsasalaysay ni tatay Ronie.

Nang mga panahong iyon ay sampung ektarya ang sinasaka ni tatay Ronnie. Ang kalahati ay kaniyang pagaari samantalang ang karagdagang limang ektarya ay pagaari ng kanyang pinsan. Subalit imbes na kumita ng malaki, kabaligtaran nito ang nangyari. Ayon sa kanya kaunti lamang ang natitirang inaning palay para sa pansariling pangangailangan ng kaniyang pamilya. Halos lahat naubos pambayad utang. 

“Uutang ka pambili ng fertilizer, pestisidyo (pesticide) at iba pang kailangang sa pagsasaka. E sa isang libong pisong hiniram mo, ang kapalit noon ay tatlong kaban ng palay,” paliwanag niya. Dito siya nakapag isip na bumalik na lamang sa dati niyang pamamaraan. Kaunti man ang aanihin, segurado naman siyang walang utang na iisipin kung paano mababayaran. Ibinalik na rin niya sa kanyang pinsan ang limang ektarya.

Sinimulan ni tatay Ronie na pagyamanin ang kanyang lupang sinasaka. Ayon sa kanya, dalawang beses siyang nagtanim ng monggo. Pagkaani niya ng kanyang unang tanim sa buwan ng Disyembre, isasagawa naman ang ikalawang pagtatanim sa Pebrero ng kasunod na taon. Hihintayin lamang na mamulaklak ito at pagkatapos ay aararuhin. Sa ganitong pamamaraan ay naiihanda niya ang kanyang lupa upang makapagtanim ng palay sa buwan ng Hunyo, tamang panahon sa mga pananim na umaasa lamang sa tubig ulan.

“Kapag nais mong mag- organic farming, dapat sasamahan mo ng puso,” kwento pa ni tatay Ronie. Ito ay sa kadahilanang masyadong matrabaho ang organic farming. Ayon sa kanya, maraming kailangan ang lupa at hindi sasapat kung munggo lamang ang gagamitin niya. 

Sa bakuran ni tatay Ronnie ay iba’t ibang uri ng compost fertilizers o organikong pampataba ang ginagawa niya dito. “Kailangan ang phosphorous,” saad nito at maari daw itong makuha sa puno ng saging at molasses. “Kailangan din ng amino acids,” dagdag pa niya at ipinaliwanag nito kung paano niya binubulok at kinakatas ang mga golden kuhol upang magsilbing source ng amino acids. At iba pang mga concoctions na naging bahagi na ng pangaaraw- araw na gawain ni tatay Ronie.

Ang lahat ng ito ay natutunan niya sa mga pagdalo sa mga pagsasanay mula sa iba’t ibang samahan o ahensya ng pamahalaan (gaya ng Department of Agriculture). “Abot nga ako ng Los Baños Laguna para sa mga pagsasanay,” ayon pa sa kanya. “Nakarating din ako noon ng Quezon City Circle para dumalo sa meeting ng pagaalaga ng vermi worm,” saad pa nito. Ang vermi worm ay isang uri ng bulate kung saan ang dumi nito sa lupa ay kinikilalang magandang klase ng pataba. 

“Noon ang presyo niya (vermin worm) ay P 1, 500 kada kilo. Kaya lang nalugi ako noon kasi hindi sinabi sa training na dapat pala may takip (metal screen) ang paglalagyan ng vermi worm,” kwento pa ni tatay Ronie. Ang resulta, kinain ng mga daga at iba pang hayop ang vermi worm. Malamang nga nito, kabilang din ang mga alaga niyang manok sa kumain, sa medyo me kamahalang bulate.

Nagsilbing aral naman ito sa kanya. Kaya ng makahiram ng 36 na piraso mula sa isang kooperatiba sa Magsaysay ay pinagbuti ni tatay Ronie ang pagaalaga ng mga nasabing bulate. Sa kasalukuyan ay higit 25 worm beds na ang kanyang mga alagang vermi worms. “Mabuti na lamang at mabilis naman pa lang dumami,” nakangiting sabi nito.

Hindi man kasing dami ang inaani niya ngayon kumpara noong gumagamit pa siya ng kemikal, higit na mas kontento at nasisiyahan si tatay Ronie sa kanyang pagsasaka. Ayon sa kanya sa limang ektarya ay kadalasang umaani lamang siya ng 400 kaban ng palay. Kapag pinakiskis (giling o mill) mo pa ito ay malamang na aabot na lamang ito sa 280 kaban ng bigas. Ang isang kaban ng bigas ay may timbang na 50 kilo. Subalit bukod sa maliit na gastos para sa kanyang pataba at pestisidyo, maganda ang presyo ng organic rice. Kadalasan binibili ito ng P50-P60 kada kilo. Nangagahulugan ito ng kita na maaring umabot sa P700,000 – P840,000 mula sa kanyang mga bigas. “At maayos ang konsensya ko dahil wala akong nilalason,” biro pa ni tatay Ronie.

Sa kasalukuyan ay kabilang si tatay Ronie sa mga tagapagsalita sa mga pulong ng organic farming. Kinilala din siya bilang isa sa apat na Magsasakang Siyentista ng Kanlurang Mindoro at katuwang sa pagpapalawig ng organikong pamamaraan ng pagsasaka sa buong lalawigan. (PIA)