No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Bayan ng Sariaya, naghahanda na upang maging lungsod

SARIAYA, Quezon (PIA) — Tinututukan ngayon ng pamahalaang bayan ng Sariaya ang paghahanda upang maging ganap na lungsod ang kanilang bayan.
 
Ito ang inihayag ni Sariaya Mayor Marcelo Gayeta sa “Gilas Diyalogo para sa mga Media Partners na katuwang sa Serbisyong Publiko 2024” na ginanap nitong Martes, ika-23 ng Enero.
 
“Kasalukuyan pong inaayos na ang mga kaukulang dokumento upang mai-apply na maging ganap na lungsod ang bayan ng Sariaya sapagkat nakamit na nito o sumobra pa sa nakatakdang kwalipikasyon ng pagiging isang lungsod,” ani Gayeta.
 
Ayon pa kay Gayeta, mayroon na silang binuong technical team na siyang tututok sa pag-aayos ng mga kinakailangang dokumento upang maging mabilis at maayos ang proseso ng pagiging lungsod ng bayan ng Sariaya.
 
Inihayag din ng alkalde ang paglaki ng kita ng pamahalaang bayan sa P120 milyon noong nakaraang taon bunsod ng maayos na koleksyon ng buwis at kusang pagbabayad ng mga negosyante sa Sariaya. Tiwala si Gayeta na madadagdagan pa ito ngayong taong 2024.
 
Kaugnay nito, sinabi pa ni Gayeta na bukas ang kanilang bayan para sa mga negosyante na nais pang magtayo ng mga negosyo.
 
“Malaki po ang maitutulong ng mga negosyante sa bayan ng Sariaya sapagkat magbibigay din sila ng hanapbuhay sa ating mga kababayan dito sa Sariaya,” sabi pa ng alkalde.
 
Ibinalita pa ng alkalde na ang bayan ng Sariaya ay kasama sa top 25  sa buong bansa pagdating sa pagpapatupad ng mga proyekto sa ilalim ng Philippine Rural Development Projects ng Department of Agriculture.
 
Sa kasalukuyan, isa rin sa mga proyektong ipinatutupad ngayon ng pamahalaang bayan ng Sariaya ay ang pagtatayo ng Tourism  Information and Registration Center na siyang magbibigay ng mga impormasyon sa mga bisita o turista ukol sa mga magagandandang tanawin  o tourist destinations, mapa at iba pa na may kaugnayan sa turismo ng bayan ng Sariaya.
 
Tinatayang sa pagsapit ng taong 2025 tuluyang magiging lungsod ang bayan ng Sariaya. (Ruel Orinday-PIA Quezon)
 

About the Author

Ruel Orinday

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch