No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Libreng pagsasanay, mga programa para sa mga PDL, tampok sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan sa Quezon

LUCENA CITY (PIA) — Iba't ibang aktibidad ang isinagawa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) - Quezon at Lucena District Jail para sa mga persons deprived of liberty kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan.
 
Sa idinaos na Kapihan sa Piitan na programa ng PIA Quezon, inilahad ni JSupt. Jack Lord Cariño, district warden ng BJMP-Quezon ang mga programa na kanilang isinagawa kabilang ang family day, children's day, at seminar patungkol sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) Act of 2004.
 
Nagkaroon din aniya ng marriage-related seminar para sa pagpapanatili ng maayos na relasyon bilang mag-asawa.


“Nagsagawa rin po kami ng outside activities gaya ng clean up drive sa tulong ng partnered organizations katuwang ng mga asawang babae ang mga lalaking PDL sa paglilinis sa komunidad,” sabi pa ni Cariño,
 
Samantala masaya namang inilahad ni Jail Chief Inspector Elaine Toledo, warden ng Lucena District Jail - Female Dorm ang iba't ibang programa para sa mga kababaihang PDL sa kanilang piitan.
 
Kabilang dito ang libreng cervical screening, gift giving, self defense training, sing and dance contest, at mga seminar na may kinalaman sa mental health.
 
Ayon kay Toledo, mayroong committee relations din na siyang nangangasiwa sa mga bumibisita upang tulungan ang mga itong malinawan sa sitwasyon ng kanilang mga mahal sa buhay na nasa piitan na isang regular program ng BJMP Quezon.
 
“Holistic approach na ngayon ang ipinaiiral na pamamalakad para sa mg PDL hindi gaya noong unang panahon na barbaric. Isang pamamaraan upang pabulaanan ang maling konsepto na ang mga buhay ng mga PDL sa piitan ay naghihirap at wala ng pag-asa pang magbagong buhay,” pahayag ni Toledo.
 
Samantala, naging bahagi rin  sa pagdiriwang ng buwan ng mga kababaihan  ang mga naggagandahang mga produktong gawa ng mga PDL.
 
Ayon kay JSupt. Cariño, regular din na naisho-showcase sa Pacific Mall Lucena ang mga ipinagmamalaking produktong gawa mismo ng mga PDL gaya ng Bayong Bags, Pillow Case (bagong produkto), souvenirs at customized items gaya ng kubo, key chains at marami pang iba.
 
Samantala, sinabi rin tuloy tuloy naman ang pag-aaral ng mga PDL na estudyante sa loob ng piitan kung saan isa sa mga programa nito ay tumututok sa edukasyon sa tulong ng mga partnered high school sa Quezon.
 
Plano din aniya ng BJMP Quezon na magkaroon ng partner university na siyang tutulong upang maabot ang pangarap ng mga estudyanteng nasa loob ng piitan na makapagtapos ng pag-aaral.
 
Ilan pa sa mga balakin ng BJMP Quezon ay ang pagkakaroon ng bagong jail facility sa Lucena sa susunod na taon sa tulong ng Lucena City Government at paggawa ng bed sheets bilang bagong produkto ng mga PDL.
 
Kaugnay nito,  lubos naman ginawanang  pasasalamat ni Cariño at Toledo dahil malaki ang ginampanang papel ng media partners sa pamamagitan ng promosyon  ng mga programa ng BJMP- Quezon sa publiko. (Ruel Orinday-PIA Quezon)
 

About the Author

Ruel Orinday

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch