No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

11K kababaihan sa Sariaya, natulungan sa mga programang pangkabuhayan

LUCENA CITY (PIA) —  Mahigit 11,000 kababaihan na kasapi ng Gilas Kababaihan sa bayan ng Sariaya ang  nakikinabang na sa iba’t ibang livelihood programs na ipinapatupad ng pamahalaang bayan.
 
Ito ang inihayag ni Mayor Marivic Gayeta na siya ring Pangulo ng samahan sa idinaos na Kapihan sa PIA Quezon kamakailan.
 
Binigyang diin ng alkalde na simula ng itatag ang samahan ay naging katuwang na sa paghahanapbuhay ang mga kababaihan sa loob ng kanilang pamilya.
 
“Ilan sa mga programa na pinagkakakitaan na ng mga kababaihan dito ay dishwashing making, bigasan sa barangay, supot making, longanisa making, peanut butter making, ensaymada baking, hog raising, tahian sa barangay at  iba pa,” sabi pa ni Gayeta.
 
Samantala, inihayag naman ni Sariaya Municipal Gender and Development Focal Point Person Randy Tronila ang mga aktibidad ng pamahalaang bayan Sariaya sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan.
 
Ayon kay Tronila, kabilang dito ang pagpapalakas ng kakayahan at kagalingan ng mga kababaihan.
 
Bukod dito, isinasagawa rin nila  ang gender sensitivity training, pagpapalakas ng samahang Men Opposed to Violence against women Everywhere (MOVE), gayundin ang pagpapalawak ng health accessibility hanggang sa mga barangay.
 
Kaugnay nito ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Gender and Development Office  ay kasalukuyan nagdaraos ngayon  ng “Tiangge ni Juana” sa harapan ng kapitolyo ng Quezon na  naglalayong matulungan ang mga mga samahan ng mga kababaihan na maibenta ang kanilang mga produktong ginawa. (Ruel Orinday-PIA Quezon)
 

About the Author

Ruel Orinday

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch