No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

SSS nagsagawa ng RACE campaign sa Batangas

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — Patuloy ang Social Security System (SSS) sa pagpapaigting ng RACE campaign o Run After Contribution Evaders sa lalawigan ng Batangas.
 
Kamakailan ay nag-ikot ang mga kawani ng SSS Batangas Branch sa lungsod ng Batangas upang paaalalahanan ang ilang mga establisimyento ukol sa pagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
 
Ayon kay Atty. Alejandre Diaz, OIC Vice President-SSS South Luzon II Division, ito ang unang RACE sa taong 2024 at nais nilang maipalaganap ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng SSS.
 
“Ito ay palagiang ginagawa ng SSS at lahat ng mga branches sa buong bansa ay nagsasagawa nito ng sabay-sabay. Layon nitong maipaunawa sa mga employers ang kanilang obligasyon alinsunod sa batas at obligasyon na din sa kanilang mga empleyado,” ani Diaz.
 
Sinabi naman ni Tiffany Lobo, SSS Batangas Branch Head, ang kampanya ay nagpapakita na seryoso ang ahensya sa kanilang mandato at hindi nito hangad na takutin ang mga employer bagkus ay ipakitang sila ay dapat magkatuwang sa pagtataguyod ng kagalingan ng kanilang mga empleyado.
 
“Minsan sa dami ng ginagawa o inaasikaso ng mga employers nakakalimutan nila ang  obligasyon sa kanilang mga empleyado. Ito ay pagpapaalala lamang," ani Lobo.
 
"Ito ang unang RACE namin sa unang quarter ngunit magsasagawa pa kami ng iba pang parehong aktibidad. Basically ay tatlo kada quarter ang aming target isagawa. Sa mga binisitang employers ngayong araw, siyam dito ang may delinquency at isa ang non-registration of business,” dagdag nito.
 
Binigyang-diin naman ni Atty. Marc Villanueva ng South Luzon II Legal Section na may pailan ilang mga establisimyento ang nabibigyan ng demand letter pero dahil sa pagsasagawa ng RACE agarang sumusunod ang mga ito sa kanilang obligasyon.
 
“Mas maraming RACE ang isasagawa sa taong ito dahil maganda ang naging impact nito, in terms of awareness at positibo ang naging pagtanggap ng mga employers dito,” ani Villanueva.
 
Kabilang sa mga business establishments na dinalaw at pinaalalahanan ng ahensya ang driving academy, contractor, printing press, catering service, hydraulic service, tire supply, air conditioning supply, travel agency at pet/supply shop.(BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)
 

About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch