No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Konstruksiyon ng bagong tanggapan ng DOH Calabarzon sa Lipa City, sinimulan na

LIPA CITY, Batangas (PIA) — Mas malapit na serbisyong pangkalusugan ang aasahan ng mga residente sa rehiyon ng Calabarzon sa pagtatayo ng tanggapan ng Department of Health Center for Health Development Calabarzon (DOH Calabarzon) sa Lipa City, Batangas.
 
Nitong Sabado, ika-16 ng Marso ay pinangunahan ng mga opisyal ng DOH Calabarzon at pamahalaang panlalawigan ng Batangas ang groundbreaking ceremony sa Barangay Maroway, hudyat ng pagsisimula ng konstruksiyon ng bagong tanggapan ng ahensiya.
 
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Lipa City Mayor Eric Africa, na siya ay nagagalak na maisasakatuparan ang naturang tanggapan sa tulong ng Department of Agriculture (DA) at Sangguniang Panlungsod ng Lipa na nagpasa ng authority para sa kasunduan na sa loob ng 25 taon ay magagamit ng DOH.
 
Sinabi ni DOH Assistant Secretary at Regional Director Dr. Ariel Valencia na malaki ang pasasalamat nila sa tanggapan nina Sec. Ralph Recto, Cong. Ruth Mariano-Hernandez, Mayor Eric Africa at sa lahat ng mga naging bahagi upang maisakatuparan ang pagkakaroon ng sariling tanggapan sa Calabarzon.
 
“Ang aming tanggapan ay nasa Quezon City at malayo ito sa mga sineserbisyuhan dito sa Calabarzon kaya’t ito ay isang pagtupad sa hangarin na mailipat sa rehiyon ang aming tanggapan. Mas madali na ngayon ang pagkuha ng mga lisensya sa aming tanggapan dahil hindi na kailangang lumuwas ng Maynila,” ani Valencia.
 
Dagdag pa ni Valencia, sa ilalim ng Bagong Pilipinas, hangad na gawing moderno ang DOH na mayroong health equity kasama ang pagtatayo ng urgent care at ambulatory services kung saan walang access sa iba’t ibang pasilidad.
 
Ayon naman kay Dr. Monica Jennifer Victorino, isa sa mga opisyal ng DOH Calabarzon, ang pagkakaroon ng tanggapan sa loob ng Calabarzon ay mahalaga para sa mga kawani ng kanilang ahensiya at maihatid ang mga angkop na serbisyo sa rehiyon.
 
“Lubos ang aming kagalakan sa espesyal na okasyon na ito na hindi lamang isang pagtitipon kundi isang pormal na  pagtatayo ng pundasyon ng  mas maayos at mas maaasahang serbisyo ng kalusugan sa ating mga mamamayan," ani Victorino.
 
"Ito ay nangangahulugan ng malaking hakbang sa pagpapalakas ng ating kakayahan na tutugon sa mga pangangailangan sa kalusugan ng ating kababayan at magbibigay daan sa mas mabilis at epektibong pamamahagi ng serbisyong pangkalusugan sa komunidad sa Calabarzon” dagdag nito.
 
Ang itatayong tanggapan ay mayroong skylight view, malalawak na hallways, roof deck at sa kasakuluyan ay may pondo itong P150 milyon sa ilalim ng 2023 Budget pra sa Sectoral Foundation at P50 milyon mula sa 2024 budget para naman sa Site Development, Drainange at Perimeter Fence.
 
Nagpahayag naman si Governor Hermilando Mandanas ng kagalakan sa paglipat ng DOH Calabarzon sa Batangas lalo na at isa ang pagbibigay ng tulong kaugnay ng kalusugan ang prayoridad ng pamahalaang panlalawigan.
 
Nagsilbi naming kinatawan ni Sec. Ralph Recto si Luis Phillip Manzano na binigyang-diin ang kahalagahan ng kalusugan at dapat magsilbing prayoridad upang maisulong ang pag-unlad ng isang komunidad.
 
“Ang ganitong proyekto ay hindi lamang para sa mga lipeno o Batangueno, hindi lamang para sa rehiyon ng Calabarzon kundi para sa bawat Filipino dahil tiyak na napakaraming matutulungan ng proyektong ito,” ani Manzano. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)
 

About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch