No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Calauag Watershed Forest Reserve, isinusulong ni Cong. Tan na maging isang protected landscape

CALAUAG, Quezon (PIA) — Isinusulong ni Quezon Fourth District Representative Atorni Mike Tan sa Kongreso ang panukalang batas na gawing isang protected landscape ang Calauag Watershed Forest Reserve para maprotektahan at mapangalagaan ang mga likas na yaman nito.


Ayon sa isang pahayag, sinabi ni Tan na ang Calauag Watershed Forest Reserve ay isang yamang dapat protektahan at alagaaan, kaya naman isnulong niya sa Kongreso ang House Bill No. 10034 na magsisilbing daan upang maging protected landscape ang nasabing santuwaryo.


Sagana sa yaman at iba’t ibang uri ng buhay-ilang ang lugar na may kabuuang sukat na 327.86 ektarya. Dito matatagpuan ang ilan sa mga species na nabibilang aniya sa critically endangered at vulnerable na uri.
 
Ilan sa mga puno at halamang nakita naman sa lugar ay Apitong, Molave, Yakal, Bolong-eta, Dao, Kalantas, Makaasim, Malabayabas, Pahutan, Red at White Lauan, Aumuguis, at Piling Liitan.
 
Makikita din dito ang ilang hayop tulad ng Amethyst brown dove, Colasisi, Tarictic hornbill, Philippine-forest turtle, Philippine Cobra, Philippine pit viper, Philippine yellow-throated cobra, Reticulated python, Tokay gecko, Bayuko, at ang Luzon fanged frog.
 
Bukod dito, ang lugar ay sagana rin sa tubig na nagagamit sa gawaing domestic at agrikultural, at napagkukunan din ng inuming tubig ng mga residente sa munisipalidad.
 
Masigasig na isinusulong ng kongresista ang nasabing panukala sapagkat malaking bahagi umano ng kaniyang HEALING Plus Agenda ang pangangalaga at pagsusulong na maprotektahan ang kapaligiran at kalikasan.
 
“Isang yamang hindi lamang para sa kasalukuyang kapakinabangan kundi para sa susunod na henerasyon, dapat maging protected landscape ang Calauag Watershed Forest Reserve (CWFR) upang mabigyan ng ibayong pangangalaga at proteksyon,” saad ng pa ng mambabatas. (Ruel Orinday-PIA Quezon)
 

About the Author

Ruel Orinday

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch