No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

‘Barbeque’ at ‘Isaw’ sa bahay ni Aling Mely

Sa edad na 80, patuloy ang pagtitinda ng 'Barbeque' at 'Isaw' si Aling Mely Callang Singson sa Bayombong, Nueva Vizcaya. Inspirasyon nito ang kanyang pamilya at masugid na mga customers. PIA Image

Palipat–lipat man ang pwesto ni Aling Mely Callang Singson, 80 mula Barangay Don Mariano Marcos hanggang sa kanilang bahay sa Barangay Don Domingo Maddela sa bayan ng Bayombong, sinusundan at binabalik-balikan pa rin siya ng kanyang mga suki dahil sa masarap at malinamnam nitong barbeque na ‘liempo’, ‘atay’, ‘tenga’ ng baboy at ‘isaw’.

Best selling ang kanyang ‘Liempo’ BBQ na nasa 100-110 na piraso ang binibili bawat araw, 50 piraso naman sa ‘tenga’, ‘isaw’ na hanggang 40 piraso at ‘qtay’ na nasa15 piraso.

Sa ngayon, nasa P25 bawat isa ang presyo ng kanyang mga barbeque products habang P15 naman ang bawat isang ‘isaw’.

Nakahanda rin dito ang kanyang 'hot' at ordinaryong sawsawan sa mga mamimili na dapat sumunod sa pakiusap na 'isang sawsaw sa isang tusok ng buong bbq' o kumuha na lamang ng sariling sawsawan.

Ang mga 'Barbeque' products ni Aling Mely Callang Singson na hinahanap at binabalik-balikan ng mga customers sa Bayombong, Nueva Vizcaya. PIA Image

Halos nagkukulang ang kanyang produkto dahil ito ay binibili bilang meryenda, ‘pulutan’, ulam at pasalubong ng mga mamimili.

Paborito ng masa ang kanyang mga produkto kung kaya’t halos maaga itong nauubos magmula alas dos hanggang alas kwatro ng hapon.

Habang kaya pa, hindi umano titigil si Aling Mely sa paggawa ng kanyang produkto dahil inspirasyon niya ang kanyang masugid na mga mamimili na hindi lamang mula sa bayan ng Bayombong kundi pati na rin ang mga karatig bayan sa lalawigan at Santiago City.

Nasisiyahan si Aling Mely sa nakagisnang negosyo na nagsimula pa umano noong 1970s dahil kahit nasa ibang bansa na ang ilan sa kanyang mga dating mamimili ay patuloy siyang hinahanap, dinadalaw at bumibili muli ng kanyang produkto with 'selfie' sa oras na magbakasyon ang mga ito sa Nueva Vizcaya.

“Dito ko napatunayan na kahit lumipat ka man ng pwesto kung nagustuhan nila ang produkto mo, hahanapin ka nila,” pahayag ni Aling Mely.

Ayon kay Aling Mely, may pamilya na ang kanyang dalawang anak at ipagpapatuloy umano niya ang kanyang negosyo hangga't kaya pa nito dahil ang kanyang pamilya at mga customers ang kanyang inspirasyon. (BME/PIA NVizcaya)

About the Author

Benjamin Moses Ebreo

Information Officer III

Region 2

Feedback / Comment

Get in touch