No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Bagasbas Beach, sentro ng clean-up drive sa Camarines Norte

DAET, Camarines Norte, Enero 8 (PIA) --Sentro ang Bagasbas Beach, Daet sa isinagawang simultaneous clean-up drive sa inilunsad na KALINISAN (Kalinga at Inisyatiba para sa Malinis na Bayan) para sa Bagong Pilipinas Program noong Sabado, Enero 6.

Sa datus ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), umabot sa 292 kilos ng mga basura ang nakolekta katulad ng plastic, bote, papel at iba pa.

Ito ay maituturing na kaunti lamang dahil regular na nagsasagawa ng clean-up drive ang mga opisyal ng barangay at mga volunteers ganundin ang Bureau of Fire Protection (BFP).

Ang Bagasbas Beach sa bayan ng Daet ay isa sa mga ipinagmamalaking turismo ng Camarines Norte dahil sa malinis na dalampasigan at regular na pagpapanatili ng kalinisan ng dagat.

Ayon kay Provincial Director Melody Relucio ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang naturang gawain ay may layunin na  bigyang-diin ang patuloy na pag-unlad na nakasalalay sa pagkakaisa, pagtutulungan at sama-samang pagkilos ng bawat isang Pilipino.

Aniya, maaari itong ipakita sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan hindi lang sa sarili kundi sa loob ng tahanan, barangay, bayan hanggang sa lalawigan, rehiyon at buong bansa.

Ang KALINISAN program ay isang sagisag ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos sa ilalim ng kampanya nitong "Bagong Pilipinas."  Kasabay nito ang panawagan para sa pagbabago sa lahat ng sektor ng lipunan at pamahalaan tungo sa isang maunlad na bansa. 

Ang isinagawang simultaneous clean-up drive sa Bagasbas Beach, Daet sa inilunsad na KALINISAN (Kalinga at Inisyatiba para sa Malinis na Bayan) para sa Bagong Pilipinas Program. (PIA5/Camarines Norte)

Ito rin ay isang convergence initiative upang pagsama-samahin ang lahat ng pagsisikap ng pamahalaan na mapanatili at magbigay ng malusog at ligtas na kapaligiran sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga LGU at sa partisipasyon ng komunidad na nakaangkla sa tradisyon ng "Bayanihan".

Nakilahok at nagbigay suporta ang mga opisyal at mga volunteers ng Barangay Bagasbas.

Ito ay pinangunahan ng DILG katuwang ang mga ahensiya ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), BFP, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Information Agency (PIA), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), MENRO, mga opisyal ng barangay at residente  at mga stakeholders na tumulong rin sa paglilinis.

Isinagawa rin ito sa 282 barangay ng 12 bayan ng lalawigan ng Camarines Norte.  (PIA5/Camarines Norte)

About the Author

Reyjun Villamonte

Job Order

Region 5

Feedback / Comment

Get in touch