No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Laddy Gemang, uupo bilang ex-officio member ng sangguniang panlungsod

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Pormal nang naupo bilang ex-officio member ng Sangguniang Panlungsod ang bagong Liga ng mga Barangay Federation President ng lungsod na si Laddy R. Gemang.

Mula sa 66 na barangay ng lungsod, si Gemang na Punong Barangay ng Barangay Luzviminda ang nanalong ABC President sa ginanap na eleksiyon noong Disyembre 15, 2023 kung saan magiging ex-officio member ito sa Sangguniang Panlungsod.

Sa naganap na regular na session ng 17th Sangguniang Panglungsod ng Puerto Princesa ay pormal itong tinanggap ng konseho bilang ex-officio member matapos maisumite ni Gemang ang lahat ng mga dokumentong kinakailangan ng konseho.

Sa kanyang mensahe, ipinaabot nito ang kanyang pasasalamat sa lahat ng kapwa nito Punong Barangay na nagbigay ng tiwala at pagkakataon sa kanya na maging kanilang kinatawan sa sangguniang panlungsod.

“Ang aking pagkakahirang sa posisyong ito ay isang karangalan at responsibilidad na aking tinatanggap ng buong puso at pagsisikap at dedikasyon bilang kinatawan ng bawat barangay na ang aking layunin ay maging tinig ng inyong mga pangagailangan at maging tagapagtaguyod ng inyong mga adhikain,” bahagi ng mensahe ni Gemang.

Sa regular na sesyon ng Sangguniang Panglungsod ng Puerto Princesa ay pormal nang tinanggap ng konseho si ABC President Laddy R. Gemang bilang ex-officio member nito. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Naniniwala rin ito sa diwa ng pagkakaisa at pakikipagtulungan dahil sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos sa pagsasakatuparan ng mga programa at proyektong ay magdadala ito ng pagbabago at kaunlaran sa bawat barangay, na aniya ay haligi ng komunidad.

Ayon pa kay Gemang, kasama sa kanyang layunin ang maging tapat at bukas sa mga saloobin at pangangailangan ng lahat ng mamamayan at humihiling ito ng tulong at suporta upang sama-sama marating ang mga hangarin para sa mga barangay.

Nangako naman ito sa sangguniang panlungsod na kanyang isasabuhay ang prinsipyo at paglilingkod sa bayan ng may integridad at dedikasyon para hindi lamang ito magiging isang boses kundi maging isang tagapagtaguyod ng makatarungan pamamahala at serbisyo para sa mga mamamayan. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch