No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pagrebisa sa Tourism Act, isusulong

Iba't ibang stakeholders ang dumalo sa Baguio City Tourism Development Planning Congress na ginanap kamakailan. Dito iprenesenta ni Dr. Monina Buccat ng Asian Institute of Tourism ang ginawa nilang pag-aaral ukol sa turismo.

BAGUIO CITY (PIA) -- Kinakailangang marebisa o maamyendahan ang Republic Act No. 9593 o ang Tourism Act of 2009.
 
Ito ang inihayag ni Dr. Monina Buccat ng University of the Philippines Asian Institute of Tourism sa ginanap na Baguio City Tourism Development Planning Congress kamakailan.
 
Iprenesenta nito ang isang pag-aaral kung saan, tinipon nila ang ideya o ang masasabi ng iba't ibang stakeholders ukol sa turismo.
 

Aniya, lumabas sa pag-aaral ang mga magandang idinulot ng Tourism Act gaya ng pagkakatanggal ng mga overlapping functions ng mga tourism-related agencies, nareorganisa ang Department of Tourism (DOT) at napalakas ang ugnayan nito sa pribadong sektor, nabuo ang sistema para sa accreditation ng mga tourism enterprises, at nabigyan ng insentibo ang mga tourism investors.
 
Bukod dito ay nahasa rin ang basic education programs sa turismo at naipahayag ang devolution ng tourism functions sa mga pamahalaang lokal.
 
Gayunman, lumabas ang ilang hamon gaya ng hindi pagpapa-accredit ng ilang enterprises sa DOT, mababa ang demand para sa conversion ng enterprise zone sa mga lokal na gobyerno, mababa ang institutional capacity-human resources  development sa mga tourism office, at walang standard collection ng bayad at may overlapping fees.
 
Wala ring malinaw na pahayag ukol sa kaugnayan ng culture and arts programs sa turismo. Hamon din ang implementasyon ng Mandanas-Garcia ruling partikular na sa pondo, at ang paggamit ng teknolohiya.
 
"The comprehensive policy did work well. We did grow very fast but we did encounter a lot of problems," saad ni Buccat.
 
Dahil dito ay kabilang sa magiging proposal ng nasabing pag-aaral ang pagrebisa sa Tourism Act.
 
Ani Buccat, posibleng simulan na rin ng kongreso ang pagtalakay ukol sa pagrebisa sa naturang batas.
 
Ayon naman kay DOT OIC Assistant Secretary Warner Andrada, isinusulong ng kanilang kalihim ang pagsasagawa ng konsultasyon ukol sa RA 9593 dahil marami na rin ang nagpanukala para amyendahan ito.
 
Habang hindi pa narerebisa ang nasabing batas, sinabi ni Andra na sinimulan na ng kagawaran ang ilang pagbabago na nakapaloob sa National Tourism Development Plan 2023-2028 para sa sustainable, innovative, inclusive, at globally competitive tourism industry. (DEG-PIA CAR)

About the Author

Jamie Joie Malingan

Regional Editor

Cordillera Administrative Region

Feedback / Comment

Get in touch