No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Maayos na pagdadala ng pasyente mula Lubang patungong Batangas, tiniyak ng kapitolyo

Nakaatang sa sea ambulance ang pagluluwas ng mga pasyente na kailangang dalhin sa pagamutan sa Batangas kung saan mas mataas ang health care system./Mga larawan mula sa PIO Occidental Mindoro

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Tinitiyak ng Pamahalaang Panlalawigan na may pinaiiral itong maayos na sistema sa pagluluwas ng mga pasyente mula isla ng Lubang patungo sa mga pagamutan sa Batangas o Maynila.

Ang isla ng Lubang, na nasa gawing Hilaga-Kanlurang bahagi ng Occidental Mindoro at may dalawang bayan-- Lubang at Looc, ay karaniwang nararating sa pamamagitan ng pantalan ng Calatagan, Batangas.

Kamakailan lamang ay bumisita sa Lubang si Governor Ed Gadiano upang ihatid ang bagong sea ambulance at emergency sea responder.

Ipinaliwanag ng Punong lalawigan na nakaatang sa sea ambulance ang pagluluwas ng mga pasyente na kailangang dalhin sa pagamutan sa Batangas kung saan mas mataas ang health care system. Aniya, malaki ang matitipid dahil libreng magagamit ang sea ambulance sa halip na magrenta pa ng bangka ang pasyente o pamilya nito. Kailangan lamang ay may opisyal na rekomendasyon mula sa manggagamot na nasa District Hospital ng Lubang.

Ang sea ambulance ng Lalawigan ay may mga medical equipment na nakaantabay sakaling kailanganin ng pasyente. Mas mabilis din itong makararating sa Calatagan dahil dalawang makina ang gamit nito.

Sinabi pa ni Gadiano na pagdating ng Batangas ay may nakahanda na ring ambulansya na pag-aari rin ng probinsya, at ito naman ang magdadala sa pasyente sa pagamutan na kadalasan ay ang Batangas Regional Hospital (BRH).

Idinagdag rin ng Gobernador na sakaling walang matutuluyan ang kaanak o bantay ng pasyente, may kinuhang halfway house ang Kapitolyo sa Batangas. Ito aniya ay may walong kwarto na libreng matutuluyan ng mga kasama ng pasyente. “Walking distance lamang ito sa Regional Hospital. Itong mga bantay (ay) pwedeng maligo at magluto. May libeng bigas tayo doon na pinapalitan kapag naubos,” saad pa ni Gov. Gadiano. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch