No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tabon Cave Complex sa Palawan, isinusulong maging World Heritage Site

PUERTO PRINCESA CITY (PIA) -- Patuloy na isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Palawan ang pagiging isang World Heritage Site ng Tabon Cave Complex sa paggabay na rin ng UNESCO National Commission of the Philippines.

Ayon kay UNESCO National Commission of the Philippines Secretary General Dr. Ivan Anthony Henares, pansamantalang naantala ang pagsusumite ng mga dokumento para sa nominasyon ng Tabon Cave Complex bilang UNESCO World Heritage Site dahil sa may hinintay pa aniya silang dokumento mula sa National Commission on Indigenous People (NCIP) at ito ay ang Certificate of Non-Overlap.

Ang Palawan ang may pinakamaraming UNESCO designation bilang World Heritage sa buong Pilipinas, dalawa sa World Heritage, isa sa Biosphere Reserves at dalawa rin sa Memory of the World”, paliwanag ni UNESCO National Commission of the Philippines Secretary General Dr. Ivan Anthony Henares. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Nakatakda sanang isumite ngayong Pebrero 1 sa UNESCO ang nominasyon ng Tabon Cave Complex ngunit dahil sa dokumento na magmumula pa sa NCIP ay ipinagpaliban ito at susubukang maisumite ito sa buwan ng Oktubre, sabi ni Henares.

Hindi aniya makapag-isyu ng nasabing sertipikasyon ang NCIP dahil mayroon pang isyung pangkomunidad ang pinag-uusapan sa pagitan ng NCIP, lokal na pamahalaang bayan ng Quezon at ng National Museum of the Philippines.

Dagdag pa ni Henares na kapag nakumpleto na ang mga dokumento at maisumite ito sa UNESCO maaaring sa taong 2026 o taong 2027 pa magaganap ang deklarasyon ng Tabon Cave bilang isang World Heritage Site dahil susuriin pa ito ng mga kinatawan ng UNESCO.

“Ang Palawan ang may pinakamaraming UNESCO designation bilang World Heritage sa buong Pilipinas, dalawa sa World Heritage, isa sa Biosphere Reserves at dalawa rin sa Memory of the World,” paliwanag ni Henares.

Sa ngayon ang World Heritage Site ng Palawan ay ang Puerto Princesa Underground River at ang Tubbataha Reefs Natural Park.

Samantala ang buong lalawigan ng Palawan ay nasa listahan ng UNESCO Biosphere Reserves at ang dalawang Memory of the World ay ang Tagbanua Scripts at ang Culion Leprosy Archives na parehong naitala sa Memory of the World Asia Pacific Register.

Ipinaliwanag din ni Henares ang mga benepisyong nakukuha ng isang lugar kapag ito ay naging isang World Heritage Site.

“Unang-unang, kapagka tayo po ay nagpadala ng nominasyon para sa World Heritage, ito ay commitment natin sa global community na ang lugar na ito ay babantayan natin at poprotektahan natin para sa susunod na mga henerasyon. So ang benefits nito environmentaly ay mapoprotektahan itong complex ng Tabon Cave at [kung maging] World Heritage Site po siya ay Grade 1 level protection ito doon sa National Cultural Heritage Act, and because grade 1 level proction siya, priority funding ito ng gobyerno na malaking tulong sa isang lugar” paliwanag ni Henares.

Aniya maging sa turismo ay malaki ang maidudulot nito dahil kapag napasama sa listahan ng World Heritage Site ang isang lugar ay maraming turista ang bibisita dito. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch