No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pinsala ng El Niño sa agrikultura ng Occidental Mindoro umabot na sa P36.5-M

Batay sa talaan ng Office of the Provincial Agricuturist (OPA), sa kasalukuyan ay mais ang pinakaapektado ng tagtuyot at ang pinsala ay nasa higit P P27,009,773. Ang mga larawan ay mula sa OPA.

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Umabot na sa P36.5 milyon ang halaga ng pinsala ng tagtuyot sa lalawigan ng Occidental Mindoro dulot ng El Niño, ayon sa Provincial Agriculturists Office (OPA).

Batay sa talaan ng OPA, sa kasalukuyan ay mais ang pinakaapektado ng tagtuyot at ang pinsala ay nasa higit P27 million. Umabot naman sa P4.6 million ang halaga ng nasira sa mungbean samantalang halos P 4.8 million naman ang pinsala ng El Niño sa palay.

Ayon kay provincial agriculturist Alrizza Zubiri, noong isang taon pa naghanda ang pamahalaang panlalawigan ng mga posibleng interbensyon para sa mga maaapektuhan ng tagtuyot. Kabilang sa mga interbensyong ito ang pagkakaloob ng mga binhi ng sibuyas, mais, mungbean, hybrid palay seeds, at iba’t ibang buto ng gulay. May probisyon din para sa pamamahagi ng shallow tube wells at pestisidyo; karaniwan aniyang nananalasa ang mga peste kapag tagtuyot tulad ng harabas o army worm.

Sinabi pa ni Zubiri na naghanda rin ang kapitolyo ng mga relief goods na maaaring ipamahagi sa mga pamilyang apektado ng El Niño ang kabuhayan.

Noong ikalawang bahagi ng 2023, naging katuwang ng OPA ang Municipal Agriculturist Office (MAO) ng 11 munisipyo sa information campaign kaugnay sa mga posibleng pinsalang dulot ng El Niño. Naniniwala si Zubiri na malaking tulong sa mga magsasaka ang natanggap na impormasyon upang sila mismo ay makapagplano at mapaghandaan ang El Niño.

Patuloy ang monitoring ng OPA at MAO sa iba pang epekto ng El Niño na maaaring tumagal hanggang ikalawang bahagi ng 2024, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Patuloy din ang kanilang pakikipagugnayan sa Department of Agriculture para sa karagdagang interbensyon na ipagkakaloob sa mga apektadong magsasaka. (VND/PIA MIMAROPA - Occidental Mindoro)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch