No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

7,000 iba’t ibang puno, naitanim sa ‘Love Affair With Nature’ sa Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Nasa 7,000 iba’t ibang punong kahoy ang tinatayang naitanim sa isinagawang ‘Love Affair With Nature’ ayon sa City Information Office.

Ang mga seedlings na ito ay kinabibilangan ng Tabigi, Dungon, Tangal, Bani, Pototan at iba pa na inihanda ng City Environment and Natural Resources Office.

Ang ‘Love Affair With Nature’ na may temang ‘A Lifetime Commitment’ ay ang ika-20 taon nang isinasagawa sa lungsod ng Puerto Princesa sa pangunguna ng pamahalaang panlungsod. Isinagawa ito sa nasa limang ektaryang lupain sa Sitio Soliman, Barangay Iwahig.

Pangunahing layunin ng programang ito ay ang mapanumbalik ang sigla, paigtingin at magkaroon ng tuloy-tuloy na programa na mapanatili at mapaunlad ang mangrove areas at kagubatan ng lungsod na nasira ng mga natural na kalamidad at iligal na pamumutol nito.

“Ang value ng isang mangrove forest o bakawanan, unang-unang ito ay tirahan, bahay-tirahan ng mga hayop, ng mga ibon, ng mga insekto ng mga halaman, mga yamang dagat at pati mga tanim, doon sila namumuhay sa bakawanan. Nakakatulong ito sa pagpigil ng erosion, nakakatulong kapag nagkaroon ng storm surge, at ito ay nursery ng yamang dagat kasi diyan nangingitlong ang mga isda at iba pang yamang dagat at diyan

Ang 20th Love Affair With Nature na isinagawa sa Sitio Soliman, Bgy. Iwahig, Puerto Princesa City ngayong Pebrero 14, 2024. (Larawan mula kay Shane Manlangit)

nagsisimula ang buhay nila. Malaki ang kontribusyon ng mangrove forest sa yamang dagat ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa,” ang pahayag ni Mayor Lucilo R. Bayron.

Kasabay nito ang pag-iisang dibdib ng nasa 118 na magsing-irog na mismong si Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron ang nagkasal sa mga ito bago mag-bukang liwayway.

Ang mga ikinasal ni Mayor Lucilo R. Bayron kaugnay ng pagdiriwang ng Love Afair With Nature ngayong Pebrero 14, 2024. (Larawan mula kay City Council Patrick Hagedorn)

Matapos ang seremonya ay nakiisa rin sa pagtatanim ng puno ang mga bagong kasal at ang iba’t ibang organisasyon sa lungsod, mga estudyante, mga kandidata ng Mutya ng Puerto Princesa, at mga opisyal ng barangay at ng pamahalaang panlungsod.

Sinabi pa ni Bayron na ang pakikiisa ng mga mamamayan ng lungsod ay pagpaparamdam ng mga ito ng kanilang pagmamahal sa kalikasan at masasabing isa na itong lifetime commitment ng mga taga-Puerto Princesa.

Ang Love Affair With Nature ay nagsimula noon pang taong 2003, at mas pinagtibay ito sa pamamagitan ng City Ordinance 287 na inaprubahan ng sangguniang panlungsod noong Setyembre 16, 2005 kung saan itinakda sa ordinansa na ito na tuwing Pebrero 14 ng bawat taon isasagawa ang Love Affair With Nature. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)

Banner photo credit to PCSDS

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch